
May paparating na bagong karakter sa nangungunang primetime series na The Master Cutter, at ito ay walang iba kundi ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.
Sa interview kay Aubrey Carampel ng 24 Oras, ibinahagi ng aktres ang magiging role niya sa serye.
"Isa siyang bungangerang babae," natatawang sabi ni Jennylyn. "Ano siya nag-struggle sa buhay pero may malaking puso. May mga ilan-ilang action scenes pero medyo nakakatawa."
Ipinarating din ng aktres ang excitement na muling makaeksena si Dingdong Dantes, na huling niyang nakatrabaho sa Philippine adaptation ng hit K-drama series na Descendants of the Sun noong 2020.
"Hindi ko po siya nakakaeksena kasi second day ko pa lang pero, syempre, looking forward na makatrabaho ulit siya after ilang taon," sabi niya.
Sa kanyang shoot, ibinahagi ni Jennylyn na may mga nakunan na silang eksena kasama ang Sparkle child star na si Sienna Stevens, na gumaganap sa serye bilang Ibyang.
"Alam mo, Ate Aubrey, sobrang galing ng batang 'yan. Wala akong masabi. Tuwing matatapos 'yung eksena sa sobrang awa ko sa kanya, niyayakap ko talaga. Kasi ang galing-galing, 'yung talagang dalang-dala ako sa kanya."
Abangan si Jennylyn Mercado sa action-packed series na The Master Cutter, 8:00 p.m. sa GMA, GTV, Heart of Asia, at I Heart Movies.
Related Gallery: How Jennylyn Mercado turned star power into serious business success