
Bilang pinaka-unang Ultimate Female Survivor ng reality-based artista-search na StarStruck, malaki ang utang na loob ni Jennylyn Mercado sa programa dahil ito ang nagbigay sa kanya ng maraming oportunidad.
Sa kanyang press conference noong July 26, ibinahagi ito ng aktres, "Hindi naman magsisimula 'yung aking journey kung hindi dahil sa StarStruck.
"Do'n nagsimula lahat, do'n ko nalaman na kaya ko palang umarte, kaya ko palang sumayaw kahit papaano, at do'n na-develop talaga lahat ng skills ko.
Diin pa ng Ultimate Star, "Kung ano ako ngayon at kung nasaan ako ngayon, 'yo'n ay dahil sa StarStruck.
Bilang pinakasikat na produkto ng programa, ano ba ang sikreto ni Jennylyn sa pagiging successful?
Sagot niya, "Mahalin nila 'yung craft nila, kailangan aralin nila kung ano 'yung gusto nilang gawin.
"Kailangan nasa good company sila, be with good people saka surround yourself with good friends.
"Mahalin mo 'yung mga magulang mo, huwag mo kakalimutan kung saan ka nanggaling.
"Kailangan 'yung paa mo lagi lang nakatapak sa lupa, huwag magbabago, i-treat mo 'yung tao sa paligid mo na pantay-pantay lahat."
Nang tanungin kung may napupusuan na siya maging StarStruck Season 7 Ultimate Survivors, mabilis niyang sagot, "Ayaw kong sabihin, baka mamaya pagtungtong ko sa stage, alam na nila!"
Dugtong niya, "Meron akong bet, isang lalaki at isang babae."
Paliwanag ni Jennylyn, nakaka-relate daw siya sa StarStruck journey ng mga ito.
"Nakikita ko 'yung sarili ko sa kanila, parang gano'n 'yung pinagdaanan ko noon.
"Tapos nakita ko kung gaano sila ka-willing na manalo at talagang ginagawa nila 'yung best effort nila."
Jennylyn Mercado on hosting StarStruck: "Unbelievable 'yung mga nangyayari"