GMA Logo Jennylyn Mercado, Dennis Trillo
What's on TV

Jennylyn Mercado, may sinulat na kanta para kay Dennis Trillo

By Kristian Eric Javier
Published June 24, 2025 10:14 AM PHT

Around GMA

Around GMA

Travelers head out for Christmas break
Holiday exodus in W. Visayas, Negros Occ starts
Christmas gift ideas for your girl besties

Article Inside Page


Showbiz News

Jennylyn Mercado, Dennis Trillo


Jennylyn Mercado sinorpresa si Dennis Trillo ng awitin na sinulat niya

Matapos ang kaniyang pagbabalik sa telebisyon at pelikula, nagbabalik na rin si Ultimate Star Jennylyn Mercado sa musika. Isa sa mga kanta sa kaniyang pinakabagong album, sinulat niya para sa asawang si Dennis Trillo.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, June 23, ibinahagi ni Jennylyn na isa sa mga kantang isinulat niya sa album niyang “Jen,” na inilabas niya noong May, ay para kay Dennis. Ang titulo ng naturang awitin, “Paulit-ulit Kang Pipiliin.”

“Gusto ko siyang maging parte ng album na 'yun kasi espesyal 'yung album na 'yun dahil bago 'yung recording company na 'to, espesyal dahil katrabaho ko si Jonathan Manalo,” sabi ng Kapuso actress.

Nang tanungin naman si Dennis kung ano ang nararamdaman niya nang marinig ang kanta at malaman ang istorya sa likod nito, inamin ng Kapuso Drama King na nagulat siya dito.

“Medyo personal 'yung mga narinig ko sa lyrics e, kaya parang 'pag narinig mo, 'Uy, parang designed talaga itong kantang ito para sa'kin.' Dahil asawa ko 'yung gumawa e,” sabi ni Dennis.

Pagkukwento pa ni Jennylyn, isinama niya noon si Dennis sa recording ng kanta ngunit hindi ipinaalam dito na 'yun ang ire-record niyang awitin. Aniya, sorpresa iyon para sa kaniyang asawa.

“Tapos nu'ng natapos na namin ni Jonathan, pinarinig namin sa kaniya 'yung raw, sabi ko, 'Para sa'yo 'yan, ito 'yung lyrics,'” pag-alala ni Jennylyn.

Nang hingin ni King of Talk Boy Abunda ang reaksyon ni Dennis sa naturang kanta, pinipigilan daw ng aktor noon na umiyak. Ngunit sa kaloob-looban niya umano ay naramdaman niya ang matinding kurot.

“Sa loob-loob ko, talagang grabe 'yung kirot dahil siyempre ang sarap ng pakiramdam na gawan ka ng kanta, gumawa ng kanta na ikaw 'yung inspirasyon,” sabi ng aktor.

Dagdag pa ni Dennis, “Parang du'n mo mararamdaman 'yung unconditional love talaga na kahit ano pa ang mangyari, ikaw 'yung kasangga ko panghabang buhay.”

Isa ang “Paulit-ulit Kang Pipiliin” sa mga kantang kasama sa comeback album ni Jennylyn na “Jen.” Una niyang tinease ang pagbabalik niya sa musika noong 2023 nang ibahagi niya ang isang meeting kasama ang Star Music team.

BALIKAN ANG CONTRACT SIGNING NI JENNYLYN BILANG ISANG KAPUSO SA GALLERY NA ITO: