
Bilang artista, laging may mga matang nakamasid sa celebrity couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Halos wala nang pribado pagdating sa kanilang mga personal na buhay, kaya minabuti nilang limitahan ang nakikita ng publiko pagdating sa kanilang mga anak para sa seguridad ng mga ito. May isang taong gulang na anak sina Jennylyn at Dennis na si Dylan Jayde. May kanya-kanya rin silang anak, sina Alex Jazz at Calix Andreas, sa mga dati nilang nakarelasyon.
"'Yung mga trabaho namin, kumbaga public, wala nang natitira sa sarili mo so as much as possible 'yung buhay namin bilang pamilya, talagang gusto namin mas private. 'Yung nagagawa namin 'yung gusto namin nang hindi namin kailangan ipakita sa mga tao, 'di ba?" bahagi ni Jen sa The GMA Pinoy TV Podcast na ini-release ngayong Biyernes, February 23, sa Spotify.
Dagdag pa ng Love. Die. Repeat. actress, kinokontrol nila ang mga bagay na ipino-post nila sa social media para sa mental health ng kanilang mga anak.
"'Di naman lahat ilalabas mo e, magtitira ka pa rin ng something para sa 'yo saka sa pamilya mo. I think very important 'yun lalo na sa mga bata kasi gusto kong mabuhay sila nang normal. Ayoko nang makakakita ng mga comments, nakakalungkot 'yun e kapag may mababasa sila na hindi maganda. So as much as possible, gusto namin na kapag family time, family time."
Bilang artista, kadalasan ay sagaran ang kanilang taping, kaya nawawalan sila ng time para sa kanilang mga anak.
Ayon kay Jennylyn, nagdesisyon sila ni Dennis planuhin ang kanilang schedule para may nakakasamang magulang ang kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito.
"Maganda na pareho kami ng management dahil 'yung time management talagang importante, lalo na ayaw naming naiiwan 'yung mga bata na walang kasama kahit isa sa 'min. So 'yung schedule namin, hindi kami nagkikita, M-W-F-S s'ya, ako naman T-TH-S, so okay lang 'yon basta importante meron isa samin na nagbabantay sa kids kung wala man ako o wala man s'ya."
Goal daw ni Jen na maging present lagi para sa kanilang mga anak ni Dennis kahit gaano pa ka-hectic ang kanilang mga schedule.
Aniya, "Syempre, rewarding 'yung nakikita namin sila na lumalaking masaya, matalino, mabait, at lumalaki nang normal. 'Yung buhay na normal na malayo sa showbiz na hindi mo kailangan ipakita kung ano kayo. Gusto namin na lumaki sila na parang 'di showbiz 'yung mommy at daddy nila."
Ayon kay Jen, gusto rati mag-artista ng stepson niyang si Calix pero nagbago ang isip nito dahil sa demands sa showbiz.
"17 na s'ya so nakikita n'ya ang hirap pala. Hindi pala gano'n kadali 'yung pagod, 'yung puyat, hindi namin kayo nakikita buong araw. So ngayon nag-iba na s'ya ng gusto sa buhay. Ayaw na n'ya maging artista at saka 'pag nakikita n'ya na kapag lumalabas kami parang sinasabi niya, 'Ano ba 'yan? Bakit ang daming nagpapa-picture?' 'Yung ganyan."
Pagdating naman sa parenting style, magkaiba sina Jennylyn at Dennis. Kwento ng aktres, "Si Dennis 'yung mas chill, mas cool, ako 'yung mas bad cop, disciplinarian. Dapat balance, ako talaga 'pag sinabi ko, alam na ng mga bata, susunod na sila, gano'n."
Ayon pa kay Jen, pantay-pantay ang pagpapalaki nila sa kanilang mga anak pero hindi raw nila maiiwasan maging protective sa nag-iisa nilang anak na babae na si Dylan. "Kung paano ko pinalaki si Jazz, gano'n ko rin pinapalaki si Dylan ngayon. Gusto ko pantay-pantay lang."
Patuloy pa niya, "Si Dennis 'yung okay-okay lang, tingnan natin 'pag nagdalaga 'yan. Tingnan ko kung ganyan ka pa ka-chill."
Pakinggan ang kabuuang panayam kay Jennylyn sa ibaba.