
February 2023 nang isinapubliko nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang nabili nilang bahay sa Estados Unidos.
Base sa mga ulat, na-acquire ito ng Kapuso coupe tatlong taon na ang nakalilipas pero noon lamang November 2022 nang nai-turn over ito sa kanila.
Ang nasabing bahay ay matatagpuan sa Summerlin Residential Community sa Las Vegas Valley, Southern Nevada at may view ng Red Rock Canyon, ayon sa manager nina Jennylyn at Dennis na si Becky Aguila.
Sa ngayon ay may rumerenta sa kanilang bahay sa Vegas at nakikitira muna ang couple sa anak ng manager nila sa tuwing nasa Amerika sila para magbakasyon.
Sa The GMA Pinoy TV Podcast, nagkwento si Jen tungkol sa kanilang plano sa kanilang property abroad. Bahagi niya, "Investment s'ya pero kasama 'yun sa backup plan. Pagka ayaw na namin sa Philippines, gusto na naming mag-retire sa ibang basa, at least meron kaming matitirhan out of the country."
Ayon sa Love. Die. Repeat. actress, nagustuhan nila ang community doon kung saan malaya nilang nagagawa lahat ng gusto nilang gawin nang walang nanghuhusga.
"Doon kasi walang pakialamanan 'yung mga tao, 'di ba, kahit saan ka pumunta normal. Sarap din ng feeling na kahit ano pwede mong gawin kahit tumambling ka sa kalsada, 'yung mga gano'n. Pwede mong gawin lahat ng gusto mo nang walang makakapansin sa 'yo, walang magpo-post sa 'yo sa social media, mas may freedom."
Bukod sa kanilang bahay sa Amerika, nakapag-invest din sina Jen at Dennis ng isang rest house sa Tanay, Rizal na gawa sa shipping containers. Tinawag nila itong "mountain hideaway."
Pakinggan ang kabuuang panayam kay Jennylyn sa ibaba.