
Ayon kay King of Talk Boy Abunda, marami ang nagsasabing nawawalan na ng kinang ang celebrities sa mundo ng pulitika dahil meron mang nanalo, marami rin ang natalo nitong nagdaang midterm elections. Ngunit hindi ito ang paniniwala ni Jeric Raval dahil aniya, kailangan lang ng tamang timing.
Sa pagbisita ng batikang action star sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, September 30, tinanong siya ng batikang host kung may nag-alok ba sa kaniyang pumasok sa pulitika.
Sagot ni Jeric, “Nung nakaraang halalan, may lumalapit sa akin, pero hindi ako interesado e. Kabuti-buti nang nagagalit sa'kin nabibilang ko lang sa daliri ko. E 'pag tumakbo ako, nanalo ako, e 'di kahit isang milyon pa ang daliri mo, kulang pa 'yan, ang daming magagalit sa'yo.”
Sa ngayon, masasabi ng aktor na okay na siya sa kanyang buhay.
Isa pa umanong rason ni Jeric sa hindi pagpasok sa pulitika, “At saka diyan, tatanda kaagad 'yung itsura mo. 'Pag pinasok mo 'yung pulitika, nako, ang bilis mo umedad diyan.”
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAGING POLITICIAN SA GALLERY NA ITO:
Dahil napag-usapan na rin naman na nila ang pulitika, tinanong na rin ni Boy si Jeric kung ano ang opinyon niya sa mga napapabalitang mga korupsyon at mga pandinig na nangyayari para lutasin ang problemang ito.
Pag-amin ni Jeric, naaawa siya sa presidente na si Bongbong Marcos, Jr. dahil tila nadadamay at nakakaladkad ang pangalan nito sa mga nangyayari. Nilinaw din ng batikang aktor na hindi siya botante ng kasalukuyang pangulo ng bansa para maiwasan umano masabi na biased siya.
“Ngayon, 'yung nangyayari naman ngayon sa Senate, napapanood ko mga nagtuturuan dahil sa litrato, pictures lang 'yun, Kuya Boy, e. Pictures proves nothing. Andali namang magturo-turo e, pero but to prove it, it's another story. So patunayan muna nila, 'yun lang ang akin,” sabi ni Jeric.
Pagpapatuloy pa ng aktor ay hindi siya basta-basta naniniwala sa mga litrato at mga “turo-turo” na nangyari sa Senate hearings kamakailan.
Dagdag pa ni Jeric, “Ang pulitiko at ang artista, halos pareho ' yan. Kahit sino, pwedeng magpa-picture sa kanila. At hindi mo puwedeng tanggihan.”
Sa huli ay sumang-ayon si Jeric na talamak ang korapsyon ngayon.
Panoorin ang panayam kay Jeric dito: