
Nagkita na sa wakas ang award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho at ang ka-look-alike niyang si Julia Buena nang maimbitahan ito sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
Kumalat at naging viral ang picture ni Julia, o mas kilala bilang si Julie, nang mapansin ng mga netizens na kahawig niya ang tanyag na broadcaster.
Sabi ni Julie ay nagpapahinga lang siya sa pagtitinda ng isda nang makunan siya ng picture at nalaman na lang niya ang tungkol dito ng ipakita ng anak niya ang picture pag uwi.
“Pag-uwi ko, sabi ng anak ko 'Ma, nagpa-picture ka ba?' Sabi ko, hindi. 'Tingnan mo itong picture mo, o, nandito ka sa Facebook,” sabi nito.
Pero ayon kay Julie, ang panganay niyang anak na si Judy ang minsang nangarap na magkita na sila ng ka-look-alike niya.
“Minsan nga po nag sabi sya sa 'kin, 'Ma, sama ka sa 'kin sa Maynila, dadalhin kita dun kay Jessica Soho para magka-meet na kayong dalawa,” sabi nito.
Sinabi pa raw niya na hindi siya naniniwalang magkikita sila ng tanyag na host pero sinagot lang daw siya ng anak na mangyayari ito.
Pero kahit nagkita na ang dalawa ay hindi na ito naabutan ni Judy dahil pumanaw na ito noong Enero dahil sa colon cancer.
Sinabi rin ni Julie na miss na miss na niya ang anak dahil ito ang laging sumasalubong sa kanya pag-uwi niya galing sa pagtitinda.
“Judy, ito yung gusto mo, ito yung sabi mo sa'kin na balang araw magkaka meet din kami ni Ma'am Jessica, makikita din ako sa TV. Sayang nga lang at hindi mo na naabutan,” sabi nito.
Idinagdag pa ni Julie na kung nasaan man ang anak ngayon, “Sana maligaya ka rin.”
Samantala, aminado naman si Jessica na kamukha niya si Julie at maaaring mapagkamalan siya ito.
“Di nga kaya magkamag-anak tayo?” dagdag pa nito.
SAMANTALA, TINGNAN ANG ILAN PANG ORDINARY CITIZENS NA KAHAWIG NG MGA KILALANG PERSONALIDAD: