
Sa 1999 award-winning film na Muro-ami nagkaroon si Jhong Hilario ng unang kontrabida role sa isang pelikula. Ito ang nagbukas ng oportunidad sa kanya bilang isang artista.
Simula June 3, muling mapapanood sa mga piling sinehan nationwide ang remastered version ng Muro-ami. Sa naganap na special screening ng pelikula noong Martes, May 19, binalikan ni Jhong ang hirap na pinagdaanan bilang preparasyon sa kanyang role sa pelikula.
Sa Muro-ami, gumanap si Jhong bilang Botong, isang muro-ami diver at pinagkakatiwalaan ni Fredo (Cesar Montano), na sa huli ay magtataksil.
"Mahirap din 'yung preparation kasi kailangan naming habulin 'yung katawan ng mga muro-ami talaga, bato-bato talaga," sabi ni Jhong sa press interview.
"'Yung pagkain sobrang walang lasa. Two months kaming nagsu-shoot, 'yung pagkain namin kamote, chicken na walang asin, tapos egg white lang, isda lang na walang asin para mahabol namin 'yung katawan. Mahirap pero nu'ng makita namin 'yung movie (worth it reaction)."
Ayon kay Jhong, nang mapanood niyang muli ngayon ang Muro-ami ay nagkaroon siya ng mas malalim na interpretasyon.
"Actually, iba 'yung interpretation ko pa kasi bata pa ako noon nu'ng pinanood ko, so ngayon 27 years ago, iba na 'yung interpretation ko ng pelikula ngayon. Grabe talaga 'yung nangyayari kapag sakim ka.
"Nung 1999, ako uma-acting lang ako, especially bago pa lang ako. Pero ngayon ko na-appreciate 'yung talino ni Ricky Lee, ni Jun Lana, 'yung talino ni Direk Marilou Diaz-Abaya, 'yung talino nung lahat ng mga involved dito.
"Feeling ko nga parang ngayon lang siya, parang bago lang sa akin. And 'yung story ng child labor talaga, 'yung kahirapan, gagawin ang lahat dahil gustong makaahon sa hirap."
Samantala, panoorin ang trailer para sa remastered version ng Muro-ami rito:
TINGNAN ANG MGA NAGANAP SA MURO-AMI SPECIAL SCREENING SA GALLERY NA ITO: