
Maraming dapat abangan sa susunod na episodes ng dalawang GMA hit programs na Abot-Kamay na Pangarap at Black Rider.
Hindi lang dahil sa kanilang kapana-panabik na istorya, kung hindi pati na rin ang crossover ng mga karakter nina Jillian Ward at Ruru Madrid na sina Doc Analyn at Elias.
Sa kanilang panayam kasama si Lhar Santiago para sa 24 Oras, ipinasilip ng dalawang Kapuso stars ang kanilang shoot para sa kanilang action-packed scenes sa Black Rider.
Ang Kapuso aktres, napasabak sa kanilang eksena dahil ngayon lang ulit siya umangkas ng motor. Pero kahit ganun pa man, hindi masyadong kinabahan si Jillian dahil todo ingat naman si Ruru sa pagmaneho.
"Nakakakaba lang po kasi ngayon lang ulit ako sumakay ng motor. Pero siyempre, nandito naman po ang ating napakagaling na si Ruru kaya medyo nawala po agad 'yung kaba ko," sabi ni Jillian.
Dagdag naman ng tinaguriang Kapuso Action Prime Hero, "Siyempre, kumbaga, nakasalalay sa akin ang buhay ni Jillian Ward. Kailangan po natin ingatan. Dahan-dahan lang and eventually kanina nag-motor kami, triny ko ng konting bilisan para at least masanay siya ng konti."
Kuwento rin ni Jillian, nanibago siya sa mga eksena ng programa dahil nakasanayan niya ang mga medical-related scenes sa Abot-Kamay na Pangarap.
"Siyempre nakakakaba kasi for two years nasa ospital lang po ako nagti-taping. Medyo relax lang naman. Puro medical lang, battle of the brains. Pero dito po buong katawan talaga ginagamit may nag-mo-motor tapos may pa barilan. Tapos nakaka-stress, so nakakaba po."
Binunyag din ni Ruru, dudugtong ang mga kwento ng kanilang mga programa nang kailangan magamot ni Doc Analyn si Elias. Magsisimula ang istorya sa Abot-Kamay na Pangarap at tatawid ito sa Black Rider.
Subaybayan ang kanilang kapana-panabik na crossover sa Abot-Kamay na Pangarap at Black Rider. Mapapanood ang Abot-Kamay na Pangarap tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime. Habang ang action prime na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
SAMANTALA, TINGNAN ANG BONDING MOMENT NG MAG-INANG SINA DOC ANALYN AT LYNETH DITO: