
Mapapanood na ang noontime variety show na It's Showtime sa GMA simula April 6.
Ayon sa “Chika Minute” report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, hindi pa rin makapaniwala ang hosts ng naturang programa na mangyayari na ang historical shift na ito sa Philippine TV.
“'Yung parehong determinasyon at magandang intensyon ng Kapuso at Kapamilya nagsama kaya nakabuo sila ng magandang desisyon na gawin ito for the audience,” ani ng Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Pagbabahagi naman ni Kim Chiu, “Never in our wildest dreams. Hindi namin inisip talaga na one day mangyayari ito. So parang, 'talaga ba?'”
Ayon pa sa report, tiyak na magiging pasabog ang inihandang production numbers, maging ang Kapuso guests na mapapanood bukas sa It's Showtime. Kabilang dito sina Jillian Ward, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Mikee Quintos, Glaiza De Castro, Chanty ng Lapillus, Mark Bautista, Christian Bautista, at marami pang iba.
Bukod dito, live na napanood ang actress at It's Showtime host na si Anne Curtis sa 24 Oras at masayang nakapanayam ng “Chika Minute” host na si Iya Villania-Arellano.
Ayon sa Filipina-Australian beauty, maraming dapat abangan sa unang episode ng noontime variety show sa GMA.
“May kantahan, may kakulitan, may games. Makikita mo ang mga Kapuso stars at Kapamilya stars na magsasama-sama,” aniya.
Noong Marso, matatandaan na naganap ang contract signing sa pagitan ng GMA Network at ABS-CBN para sa pag-ere ng It's Showtime sa GMA.
Abangan ang It's Showtime mamayang 11:30 a.m. sa GMA, GTV, at GMA Pinoy TV.
BALIKAN ANG NAGANAP NA “IT'S SHOWTIME SA GMA: THE CONTRACT SIGNING” SA GALLERY NA ITO.