
Magbabalik si Kapuso actress Jo Berry sa bagong episode ng real-life drama anthology na Magpakailanman.
Pinamagatang "Tall and Small," espesyal ang episode para kay Jo dahil kuwento ito ng isang kapwa little person na personal pa niyang kakilala.
Si Jo mismo ang gaganap bilang Ella na kaibigan niya sa tunay na buhay.
"Kilala ko po talaga si Ate Ella personally. She is my ate and alam ko din yung love story niya. I think isa 'yun sa pinakamalakas na hatak for me para gawin 'tong story niya," bahagi ni Jo sa isang exclusive video.
Iibig si Ella sa isang taong may average height. Gayunpaman, may mga pangamba siya kung tunay at magtatagal nga ba ang pagmamahal nito.
Bukod doon, marami ring nanghuhusga at tumututol sa kanilang relasyon dahil sa kaibahan ng kanilang pisikal na anyo.
"The type of love story na pinapakita po natin po sa story natin sa Magpakailanman ngayon, napakakakaiba. Gusto kong tumulong na maipakita 'yun sa ating mga Kapuso by playing the role," lahad ni Jo.
Magtatagumpay ba o magiging sawi si Ella sa pag-ibig?
Bukod kay Jo Berry, kasama rin sa episode sina Mike Tan, Kim Perez, at Amy Austria.
SILIPIN ANG ILANG EKSENA NG EPISODE SA GALLERY NA ITO:
Abangan ang brand-new episode na "Tall and Small," February 22, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa Kapuso Stream.