
Ngayong gaganap siya bilang isang abogado sa Lilet Matias, Attorney-At-Law, parang natupad na rin ang childhood dream ni Jo Berry na maging abogado sa Pilipinas.
Kuwento ni Jo, bata pa lamang siya ay pinapangarap na niyang maging abogado, at supurtado siya rito ng namayapa niyang ama.
"Nung bata ako, hanggang ngayon naman, nasa goal ko pa rin siya, ang original plan is mag-law, pangarap po namin 'yun ng Papa ko," kuwento niya.
"Nung binigay nila sa akin 'yung role, kasi lagi akong tinatanong, 'Ano bang dream role mo?' So, wala akong masagot noon, pero nung binigay sa akin 'yung role ni Atty. Lilet, naisip ko na, 'Ay, oo nga, ito 'yung dream role ko.'
"Literal kasi mula bata pa ako, gusto ko na maging lawyer, ta's ngayon, nauna lang na naging role ko siya."
Para kay Jo, hindi pa man niya nakakamit ang pangarap niyang maging abogado sa totoong buhay, ang Lilet Matias, Attorney-At-Law ang paraan ng Panginoon na ma-experience niya kung ano ang ginagawa ng mga abogado sa totoong buhay.
"Feeling ko nakapag-practice muna ako, sabi ni Lord, 'O, sige, practice ka muna. Ito muna, role muna siya bago totoong buhay.' Kasi nandoon pa rin, kasama pa rin sa goal ko sa buhay na ituloy ko 'yung law," pag-amin ni Jo.
"Pero sa ngayon konting patikim kung paano pala 'yun."
Bilang kauna-unahang legal serye, gagamit ng mga terminolohiya ang Lilet Matias, Attorney-At-Law na ginagamit rin sa totoong buhay.
"Since it's a legal drama nga po, mas professional siya magsalita, unang-una po 'yun kasi, siyempre, dapat tama talaga, very precise kasi yung mga ginagamit naming terms dito, ginagamit rin sa Pilipinas, so totoong nag-e-exist siya," ani Jo.
Abangan ang Lilet Matias, Attorney-At-Law, malapit na sa GMA Afternoon Prime.