
Kilala ang Kapuso aktres na si Jo Berry sa kanyang mga karakter na nagbibigay ng inspirasyon sa netizens. Madalas siya napapanood sa heavy dramas, kung saan nakakaeksena niya ang bigating stars tulad nina Cherie Gil, Sheryl Cruz, at Nora Aunor. Sa una niyang proyekto sa showbiz, napasabak na kaagad si Jo Berry sa matinding iyakan bilang isang "little mommy" sa isang istroya sa Magpakailanman.
Ngunit sa kabila ng kaniyang husay at sanay sa heavy drama, nais ngayon ng Kapuso aktres na sumabak sa iba pang roles.
Sa isang episode sa Surprise Guest with Pia Arcangel, ibinunyag ni Jo Berry na gusto niya magkaroon ng mas lighter role o proyekto. Dito niya rin inamin na inspirasyon niya ang dating GMA show na Art Angel para subukang maging host ng mga palabas pang bata.
"Thank you po for making my Saturdays noong bata ako very happy kasi fan po ako ng Art Angel," sabi ni Jo Berry kay Pia. "Noong pumasok na po ako sa industry, sinabi ko sa sarili ko na sana someday bigyan ako ng ganoong klaseng show. 'Yung light and educational for the kids kasi nakikita ko din na most of my fans kasi kids," dagdag niya.
Paliwanag ni Jo Berry, gusto niya rin magbigay ng inspirasyon at saya sa mga bata katulad ng epekto nina Pia at Tonipet Gaba noong kabataan niya.
"Very happy po akong gumigising ng Saturday dati kasi manonood ako nu'n. Kaya sabi ko sana mabigyan din ako ng ganoon and interesting for kids kung ako 'yung host. So sana someday," masayang sinabi ni Jo Berry.
Pero pinaliwanag din ni Jo Berry na okay lang sa kanya kung hindi pa muna ito matupad dahil nais niya rin mas mag-explore ng mga roles, kahit heavy drama pa ito o hindi.
"Siyempre gusto ko ng light din naman but at the same time gusto ko pa po kasi talagang ma-explore pa since nag-start talaga ako with drama. Sabi ko, 'Siguro meron pang iba naman.' Sanga-sanga naman po, eh. Hindi naman siya natatapos talaga. So sabi ko, 'Sana tuloy-tuloy pa rin ako mabigyan ng heavy [drama], sige [lang] and at the same time kung may light, thank you.' Pero ayun, gusto ko pa po din ma-explore lahat ng roles kung mabibigyan ng pagkakataon."
Samantala, natupad ang hiling ni Jo Berry na maranasan ang trabaho ng isang abogado sa kanyang pagbibida sa GMA Afternoon Prime legalserye na Lilet Matias, Attorney-At-Law.
Balikan ang kilalang roles ni Jo Berry sa gallery na ito:
Pakinggan ang buong interview rito: