
Kabado pero excited na sumalang sa isang one-on-one interview ang Kapuso actress na si Jo Berry sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Martes, April 18.
Dahil first time na nagkita sa personal nina Jo at ni Boy Abunda, agad na tinanong ng TV host kung ano ang impression nito sa kaniya.
“Ano ang impression mo kay Tito Boy noong hindi pa tayo nagkikita?” tanong ni Boy kay Jo.
Diretsahan naman itong sinagot ng dating Little Princess star, “Natakot din po ako sa totoo lang. Kabado po ako sa interview na 'to lalo na noong sinabi na live.”
Ayon kay Jo, itinuturing niyang icon si Boy kung kaya't ganoon na lamang ang kaniyang kaba pero proud naman siya na maimbitahan sa nasabing programa ng King of Talk.
Aniya, “Kasi siyempre po, Boy Abunda po kayo and kapag na-interview ka rito ibig sabihin, somebody ka na rin so maraming salamat po sa pag-guest sa akin.”
Natuwa naman si Boy sa sinabi ni Jo kung kaya't biniro rin niya ang aktres, “Salamat din Jo. Pero ang akala ko ang impression mo sa akin, 'Ay si Tito Boy, straight 'yan.'”
Sa kanilang kuwentuhan, napag-usapan din ng dalawa ang buhay pag-ibig ni Jo.
“I'm talking about mahal, paano ka magmahal?” ani Boy.
“All out po. Kasi 'yun nga po life is short, so kung may kaya namang ibigay para sa taong mahal mo, so ibigay mo na lahat kasi hindi natin alam kung hanggang kailan ka pa mabibigyan ng pagkakataon para ibigay 'yun,” sagot ni Jo.
Pero kuwento ng aktres, halos limang taon na siyang single and happy.
“Ang tagal na po… five years ago?” natatawang sinabi ni Jo.
“Pero hindi nag-work? Anong nangyari?” curious na tanong ni Boy.
Saad naman ni Jo, “Opo. 'Yun lang po siguro, hindi lamang tama 'yung pagkakataon.”
Pag-uusisa pa ni Boy, “But how long were you together?”
Saglit na natahimik si Jo at napakapit kay Boy. Dito na sila nagtawanan ni Boy at ng mga staff sa studio.
Paliwanag naman ni Jo, “Meron pong mga types of love na minsan kahit love talaga siya, hindi siya meant to be, may mga mangyayaring hindi talaga maiiwasan.”
Samantala, naghahanda na rin ngayon si Jo sa kaniyang comeback serye kung saan gaganap siya bilang isang abogado na pangarap niyang propesyon sa totoong buhay.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG NOTABLE TELEVISION ROLES NI JO BERRY SA GALLERY NA ITO: