
Inamin ng Kapuso actress na si Jo Berry sa Fast Talk with Boy Abunda na pinangarap talaga niya noon ang maging isang abogada. Kaya laking tuwa niya nang ibigay sa kanya ang role niya bilang isang lawyer sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Lilet Matias, Attorney-At-Law.
Sa nasabing talk show ni Boy Abunda ngayong Miyerkules, game na nakipagkuwentuhan si Jo sa batikang TV host kasama ang kanyang co-star sa nagsabing legal series na si Jason Abalos.
Dito ay binalikan ni Boy ang sinabi sa kanya noon ni Jo tungkol sa kanyang pangarap.
“You wanted to be a lawyer… ngayon na gumagawa ka ng isang role bilang isang abogada, what were you thinking?” tanong ni Boy sa aktres.
Ayon kay Jo, blessing talaga para sa kanyang role bilang isang lawyer. Aniya, Feeling ko po na-bless ako na i-portray 'yung role parang role playing lang din siya para makita ko kung 'yun ba talaga ang gusto ko. Feeling ko 'yun po 'yung binigay na chance sa akin kaya ito 'yung role ko ngayon.”
RELATED GALLERY: Jo Berry's most notable television roles
Kuweto pa ni Jo, inaalagaan niya ang bawat karakter na ibinibigay sa kanya hindi lang para sa kanyang sarili kundi para rin sa mga kapwa niya may dwarfism o litlle people.
“Kada role iniingatan ko and sini-see to it ko na magagampanan ko ng maayos and mapapangalagaan ko especially po na 'yung mga tao na may dwarfism is parang kine-claim ko na po na ako 'yung representation ngayon.
“Isa po 'yun sa iniingatan ko palagi na 'yung mga roles when it comes sa pagtanggap ko ng iba't ibang klase ng character is hindi magiging masama or hindi degrading for me and for them na people with dwarfism po,” ani Jo.
Mapapanood ang Lilet Matias, Attorney-At-Law ngayong March 2024 sa GMA Afternoon Prime.