
Aminado ang Untold actress na si Jodi Sta. Maria na abala siya ngayon sa iba't ibang proyekto, kabilang na ang pinakabago niyang pelikula. Ngunit kahit gaano kapagod, nilinaw ng aktres na hindi magpapahinga sa pag-arte.
Sa pagbisita ni Jodi sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, April 28, ipinahayag ng aktres ang paniniwala niya na hindi naman siya huminto sa pag-arte magmula noong pumasok siya sa showbiz 27 taon na ang nakakaraan.
“Derederetso 'yan, from the time na ni-launch ako back in the '90s, hanggang sa last year, derederetso 'yung trabaho, Tito Boy. So ang naisip ko is, may mga bagay akong gustong gawin din sa life ko,” sabi ni Jodi.
Hindi naman umano sinasabi ng aktres na hindi siya pinapasaya ng acting. Sa halip, meron lang siyang iba pang mga gusto at pwedeng gawin sa kaniyang buhay. Sa kabila nito, ayon sa Asia's Best Actress, meron naman siyang mga pelikula na ang iba ay lalabas ngayong taon, habang ang iba naman ay sa 2026.
“But for seryes, sabi ko nga, I'm just waiting for a project that is so compelling na gagawin ko talaga siya. But for now, hangga't hindi, magfo-focus muna ako sa aking pag-aaral,” sabi ni Jodi.
Matatandaan na noong 2018 ay nagtapos si Jodi sa kurso niyang Bachelor of Science in Psychology, kasabay ng pagiging artista at ina sa naak niyang si Thirdy. Nitong January 2025, nakapasa naman ang Unbreak My Heart actress sa Level A Interpersonal Psychotherapy (IPT) training niya.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA NAGPURSIGI MAKAPAGTAPOS SA PAMAMAGITAN NG HOME SCHOOLING O HOME STUDY PROGRAM SA GALLERY NA ITO:
Samantala, tinanong King of Talk Boy Abunda si Jodi kung ang naitutulong ng psychology sa kaniya bilang isang artista. Tinanong din siya ng batikang host kung ano pa ang mga sikreto ni Jodi sa mga preparasyong ginagawa niya para sa bawat role.
Sagot ng aktres, “Naniniwala ako, Tito Boy, lahat ng sikreto diyan is 'yung nasa preparation. You can't be too technical 'pag nandu'n ka na sa eksena. Hindi ka pwedeng masyadong logical, or 'Dapat ito ang gawin ko,' nagiging kalkulado ka kasi ang nangyayari, ina-anticipate mo 'yung sitwasyon, 'yung eksena, 'yung ibabato ng kaeksena mo.”
Dahil umano sa pagiging teknikal ng pag-arte, nawawala ang pagiging raw o organic ng pag-atake ng isang aktor o aktres sa isang eksena.