
Nakaka-good vibes sa simula ng 2026 ang viral story ng Sparkle comedian na si John Feir, o mas kilala sa role niya bilang Patrick sa Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento.
Patok online ang experience ng Kapuso comedian na um-attend ng isang kasal noong January 3 at hindi niya kilala ang couple.
Ayon sa salaysay ng Pepito Manaloto co-star niya na si Mikoy Morales, namali ng tingin si John sa wedding invitation at inakala na kasal na ni Mikoy at fiancé niya na si Isa Garcia sa Makati ng mismong araw na 'yun. Inanunsyo ni Mikoy na engaged na siya sa non-showbiz partner noong February 2025.
Personal na nakapanayam ni Mikoy si John sa YouLOL Access at dito nagkuwento na siya sa nangyari.
Lahad ng Sparkle talent, “Meron akong in-attendan na golf [game], laro-laro lang nung umaga. Sabi nila, kumain ka na dito ng tanghali. Sabi ko, hindi pupuwede kasal nung kasama ko sa Pepito si Mikoy [Morales].”
“Nag-ano pa sila, 'best wishes paki sabi ha.' Pag-uwi ko sa bahay wala pa, hindi pa plantsado, pinalantsa ko 'yung Barong. Pinalantsa ko 'yung slacks, nagpagupit pa ako Mikoy. Nag-ahit pa ako, matagal walang taping e. Linis-linis. Pero the day before tinawagan ko si Direk Ronnie.”
Si Direk Ronnie Henares ang gumaganap na Tommy sa flagship Kapuso sitcom.
“Direk! Kasal ni Mikoy bukas. Sabi niya, 'Ha!' Ano ibibihis mo?” tanong ni John sa seasoned director.
Sagot naman ni Direk Ronnie, “Oh sige, sige I'll check ha, babalikan kita. Sabi ko, 'ah may ibang ruta to.' Fast-forward eto na sabi ko kay misis, 'Ano na mali-late na ako.' Kasi umalis ako ng bahay [sa] Parañaque mga 3:15 na. Naalala ko sa wedding invitation mo strictly 4PM will start. 'Yan 'yung mga natandaan ko.”
Pagdating niya sa Don Bosco Church, dito na tila na-'Patrick' moment ang Kapuso comedian.
“Pagpasok ko ng ganu'n, hinahanap ko si Chariz (Solomon) at saka si Juancho (Trivino), e 'yun nakalagay sa invitation mo. Wala, ah baka nandun lang sa harap 'yun. Tapos, nakita ko agad 'yung kinakasal, 'Ay, nagpagupit si Mikoy'.”
“Tapos lumapit 'yung may radyo, sabi, 'Sir, dito po tayo. Nakita ko may nagka-camera, may nagvi-video na ganun. Tinitingnan ko pa rin 'yung groom, sabi ko, 'si Mikoy nagpagupit.' Sabi ko, 'siyempre kasal nga naman'. Tapos, nakita ko lahat ng tao naka-suit, ako lang 'yung naka-Barong. Sabi ko, okay teka sandali lang ha."
Tinawag daw ni John ang isang camera man at nagtanong dito kung si Marco Morales ang ikinakasal
“Hindi ako puwedeng magkamali ngayon 'yung kasal nu'n, January 3, 4PM. Sabi nito, 'Sir hindi po, ito po 'yung ikakasal. Pero, sir, meron pang 2PM.' Nagkabuhay ako, baka na-adjust 'yung oras. Tapos tiningnan ko pinakita niya sa akin. Sabi ko, 'hindi yan e.'”
“Dun ka in-open 'yung link, kasi hindi naman ako mahilig sa link-link 'di ba, kaya ako nagpatulong sa'yo. Pinindot ko 'yung link na ganun. Pagsilip ko ng link, nakita ko kayo mag-asawa sa picture March.”
Lumabas na raw ng simbahan si John Feir at hindi makapaniwala na mali ang date na nakita niya sa imbitasyon. Tinawagan pa raw niya ang isa pa nilang co-star sa Pepito Manaloto na si Chariz Solomon na gumaganap na Janice, ang asawa niya ni Patrick.
"Sabi ko, 'Nak!' Sagot ni Chariz, 'Tay, bakit?' 'Na-Pepito ako. Um-atted ako ng kasal ni Mikoy, March pa pala. Nasa Don Bosco Church ako ngayon. Tawa ng tawa si Chariz, hindi na makapagsalita.”
Panoorin ang buong interview ni Mikoy Morales kay John Feir sa video sa ibaba.
RELATED CONTENT: Picture ni John Feir sa maling kasal na pinuntahan, viral online