
Bahagi na ng weekly sitcom na Daddy's Gurl ang comedian-TV host na si John "Sweet" Lapus.
Sa segment na "Cash Landing On You" ng Eat Bulaga kanina, October 2, nabanggit ni Sweet na writer na siya ngayon ng sitcom na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Maine Mendoza.
Kinausap ng GMANetwork.com si Sweet tungkol sa bagong trabaho niyang ito sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Ayon sa dating S-Files host, nilapitan niya ang kaibigang si Chris Martinez, na direktor ng Daddy's Gurl, para humingi ng tulong makahanap ng trabaho.
"I called up Direk Chris and asked him kung may alam syang work for me. God is good, need ng writer ng Daddys Gurl. Perfect ang timing! Such an honor to be part of their writing team. Grabe ang huhusay ng cowriters ko. Tapos si Direk Chris pa ang director namin," sabi ni Sweet.
Dagdag pa niya, "Agad-agad I was given a schedule kung kelan ang taping ng episode ko. They taped mine last week to be aired this October. Pls watch out for it. The episode is about Stacy (Maine Mendoza) wanting to expand the menu of her coffee shop, Starbaraks. Grabe yung gagawin n'ya para ma-achieve ito."
Unang nakilala sa showbiz si Sweet bilang comedian at TV host. Nito lamang mga nakaraang taon nang subukan niya ang pagsusulat at pagdidirek ng mga teleserye.
Ayon sa kanya, mas nacha-challenge siya sa pagiging writer at direktor, na positibong bagay para sa kanya.
Paliwanag ni Sweet, "'Pag na-challenge ako, nae-excite ako. 'Pag nae-excite ako, maganda ang resulta.
Kaugnay nito, inamin din ni Sweet na, "Mas mahirap mag sulat since baguhan pa lang ako. But I look forward for the challenge. Ay gusto ko yung proseso na research, isip then, sulat."
Bagamat nae-enjoy na niya ang pagiging writer at direktor, bukas pa rin daw si Sweet sa acting jobs.
Aniya, "Well, may once a month script ako for Daddys Gurl. But syempre, tatanggap pa din tayo ng acting, hosting, directing gigs 'pag may dumating. Yun ang maganda sa writing, pwede ka pa tumanggap ng ibang labada basta umabot ka sa deadline."
Samantala, mabuti na matagal nang kakilala ni Sweet si Direk Chris, na nakasama pa raw niya noon sa Dulaang UP noong dekada '90. Kaya naman naging magaan ang pagpasok niya sa Daddy's Gurl kahit na ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.
Kwento ni Sweet, "Hindi required ang writers sa set since nagbabawas din ng tao for safety. But happy naman daw sila sa script ko. Also matagal ko naman ng kilala ang lahat ng cast.
"Actually, gusto ko sana pumunta sa set para maka-help din sa cast, but may script reading naman sila at kayang-kaya na ni Direk Chris.
"Sa pagsusulat naman, e, forte ko naman comedy since I write most of my scripts in my stand-up shows, at salamat at nag-Ricky Lee scriptwriting workshop ako. 'Tapos gina-guide pa ko ni Direk Chris."
Kaya naman sa huli ay muling inimbita ni Sweet ang mga manonood ng Daddy's Gurl, lalo na ang unang episode niya rito na mapapanood ngayong October.
"Ako, basta happy ako and proud to be part of the writing team. So grateful kay Direk Chris at sa production for accepting me to be part of their family," pagtatapos niya.
Samantala, balikan muna ang pinakahuling trending episode ng Daddy's Gurl dito: