
Pagdating sa mga indecent proposal sa mga celebrity, isa na ang athlete-turned-actor na si John Vic De Guzman sa mga laging pinupuntirya nito.
Sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan, inamin ng Abot-Kamay Na Pangarap actor na madalas siyang makatanggap ng mga mensahe sa social media mula sa mga hindi niya kakilala.
Kuwento pa ni John Vic, may isang beses na may nag-offer daw sa kaniya ng mamahaling gadget, pera, at free shopping kapalit ng kaniyang oras.
“Ang sabi niya sa akin, 'John Vic, kung may free time ka, ngayong December bago ako bumalik ng January, magkita sana tayo. May sasakyan naman ako, susunduin kita. Bibilhan kita ng iPhone, bibigyan kita ng money, punta tayo sa ibang lugar, ipagsa-shopping kita kahit anong gusto mo,” ani John Vic.
Ayon pa sa aktor, hindi niya alam kung galing sa isang babae o gay ang mensahe na kaniyang natanggap.
Gayunpaman, hindi raw sinagot ni John Vic ang naturang indecent proposal pero pinabasa niya raw ito sa kaniyang mga kasamahan sa The Boobay and Tekla Show.
Aniya, “So ang ginawa ko, ini-screenshot ko sinend ko sa group namin sa 'The Boobay and Tekla [Show].' Ang sabi ni Ate Boobay sa akin, 'Ganito gawin mo. Makipagkita ka, sumakay ka ng sasakyan, tapos sabihin mo, saglit lang, sasakay kaming lahat. Tapos sabay-sabay nating isigaw - na-TBATS ka!'”
Paglilinaw pa ng hunk actor, “Ako kasi Tito Boy, kapag may indecent proposal, hindi ko talaga pinapansin.”
Matatandaan na unang nakilala si John Vic bilang isang volleyball athlete. Sa katunayan, kabilang siya sa Philippine Men's Volleyball Team na lumaban noon sa 31st SEA Games.
Sa kasalukuyan, bukod sa sports, napapanood din siya sa GMA Afternoon Prime series na Abot-Kamay Na Pangarap at comedy program na The Boobay and Tekla Show.
RELATED GALLERY: How celebrities react to indecent proposal