
Hindi lang sa showbiz career plano ni John Vic De Guzman na pagtuunan ng pansin at pagbutihan dahil may malaki rin siyang goal pagdating sa kanyang pagiging atleta.
Bago pumasok sa showbiz, isang professional volleyball player si John Vic. Sa katunayan, siya ang team captain ng Philippine Men's National Volleyball Team.
Ayon sa athlete-turned-actor, target ng koponan niyang masungkit ang gold medal sa 2021 Southeast Asian Games (SEA Games) sa Nobyembre sakaling matuloy ito.
Source: johnvicdeguzman (Instagram)
“Well, 2021 hindi pa masasabi kung magiging normal na po ang lahat. Siyempre sa volleyball industry, kung matutuloy po ang SEA Games talaga pong kailangan natin paghandaan kasi siyempre galing tayo nung 2019 sa silver,” aniya.
Bukod sa goal niyang makuha ang championship trophy sa biennial meet, layunin din ni John Vic na mabalanse nang maayos ang magiging schedule niya sakaling magkasabay ang commitments niya sa sports.
“Ang goal po namin this year makakuha naman tayo ng championship trophy and 'yung sa acting side naman po, kung mabibigyan ako ng mga projects, kailangan ma-balance ko siya, 'yung paglalaro 'tsaka 'yung pag-acting dahil talagang hindi po magiging madali for me,” aniya.
Pero dahil pareho niyang nag-e-enjoy ang dalawang industriya, ayos lang umano kay John Vic kung magkaroon man siya ng hectic schedule.
“Alam naman natin na kung masaya ka sa ginagawa mo, mae-enjoy mo rin,” dagdag pa niya.
Samantala, nang makapanayam ng GMANetwork.com at matanong tungkol sa mga natutunan niya sa nagdaang taon na nais niyang palaguin o ipagpatuloy ngayong 2021, ibinahagi ni John Vic na kabilang ang pagsasayaw at pagkanta rito.
“Every time na may nadi-discover ako, let's say acting, dancing, ganyan gusto ko rin po talaga ma-enhance siya para tumagal tayo rito sa showbiz side na may chance tayo na maipamalas 'yung talent natin not just for playing volleyball but for acting, singing, at dancing,” aniya pa.
Pumirma ng management contract sa GMA Artist Center si John Vic noong September nang nakaraang taon.
Aniya sa kanyang social media post, “Home is where the Heart is. I am now Home officially as a KAPUSO. I hope you'll join me on this journey. Thank You GMA Artist Center @artistcenter and Thank You Virtual Playground @virtualplaygroundph."
Source: johnvicdeguzman (Instagram)
Kilalanin pa ang Kapuso hottie sa gallery na ito: