
Sa panahon ngayon na mas marami nang netizens ang nahuhumaling sa social media, kabilang na ang Tiktok, dumami na rin ang mga online content creators katulad nina Jomar Yee at Spencer Serafica. Aminado naman ang dalawa na malaki na ang ipinagbago ng kanilang buhay.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, January 22, ikinuwento ni Jomar na isa sa pinakamalaking pagbabago ng kaniyang buhay ay nakakakain na sila ngayon ng tatlong beses sa isang araw. Mas naramdaman pa niya umano ang pagbabago nang makalipat sila ng tirahan.
“Sobra po kasi dati lang nakatira lang po kami sa tabi ng sementeryo, sa taas ng sapa, and which is naramdaman ko po na meron na po talagang level up,” sabi niya.
Ikinuwento rin ni Spencer na noon ay toyo at mantika lang ang kanilang ulam, at umabot pa sa puntong kinailangan nilang magpakulo ng tubig para lang may mainom dahil wala silang pambili ng mineral water.
“Ngayon po, na-change po talaga 'yung buhay ko kasi nakakakain na ' yung parents ko ng tatlong beses sa isang araw, ta's kung ano'ng gusto nila, sige lang, bilhin n'yo lang, ako na'ng bahala,” kuwento niya.
Pag-amin nina Jomar at Spencer, hindi rin naman laging madali maging isang content creator, lalo na at kailangan meron sila laging fresh ideas na papatok sa kanilang manonood.
Ayon pa kay Jomar, “'Yun po talaga 'yung challenge as a content creator po talaga, nauubusan din, pero siyempre, content creator ka and nandito ka na rin, dapat pag-isipan mo kung ano pa 'yung susunod mong gagawin.”
Dagdag pa ng Tiktokerist ay importante sa isang content creator na maging totoo lang sa sarili at masaya sa ginagawa para makakuha ng maraming followers na makakatulong sa success nila.
Sinang-ayunan din nila ang sinabi ni King of Talk Boy Abunda na “Dahil 'pag masaya ka sa ginagawa mo, masaya ang nanonood.”
Payo naman ni Spencer sa mga aspiring content creators, “'Yung content, dapat paghandaan mo ng mabuti. Dapat pinag-iisipan 'yan, kung tama ba 'to, kung hindi siya tama, 'wag nang gawin.”
Panoorin ang panayam kina Jomar at Spencer dito:
SAMANTALA, KILALANIN ANG BAGONG CONTENT CREATORS NG 'STATUS BY SPARKLE' SA GALLERY NA ITO: