
Tila parte na ng pamilya ang pageantry dahil ang kapatid ni Winwyn Marquez na si Jomelle Joegy Marquez, malayo-layo rin ang narating sa isang beauty pageant na ginanap sa Indonesia.
Si Jomelle, bunsong anak ng aktor na si Joey Marquez, ay nakamit ang 1st runner-up sa Miss Teenager Petite Universe, isang patimpalak na idinaos sa 2026 Mister and Miss Teenager Universe competition sa Bali, Indonesia nitong Good Friday, April 3.
Iba't ibang korona ang iginawad para sa mga kababaihan at kalalakihan sa naturang event at ang korona ng Miss Teenager Petite Universe ay napunta kay Andrea Paulino ng Mexico.
Noong 2025 ay sumali si Jomelle sa Miss Teen International Philippines Organization kung saan nakamit niya ang titulong Miss Teen Global Beauty Philippines. Pagkatapos nito ay pinadala siya ng organisasyon sa international competition.
Bukod kay Jomelle, ilang Filipino contenders din ang nakakuha ng placements sa iba't ibang kategorya. Fourth runner-up para sa Miss Teenager Universe si Crissha Mae Aves, habang third runner-up naman si Vanderlei Zamora. Panalo naman bilang first runner-up si Xiana Myers sa Miss Preteenager Universe category.
Samantala, nasungkit naman ni Bless Medina ang 2026 Junior Miss Kids of the World crown, habang itinanghal bilang 2026 Little Mister Kids of the World si Jayferson Rivera Ahaja. Nakuha rin ni Alina Caily Gonito ang korona para sa Mini Miss Grand Kids.
Bukod kay Jomelle at Winwyn, itinanghal din ang pinsan nila na si Michelle Marquez Dee bilang Miss Universe Philippines 2023.
TINGNAN ANG ICONIC LOOKS NG ILANG CELEBRITY BEAUTY QUEENS SA GALLERY NA ITO: