
Aminado ang Black Rider star na si Jon Lucas na pangarap niya talaga simula pagkabata ang maging parte ng isang action series. Ngunit ayon sa aktor, hindi naman pagiging artista ang first dream niya at sa halip ay maging isang professional basketball player.
Sa interview ni Jon sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, ikinuwento ni Jon na lumaki siyang nanonood ng action series at movies, at naging fan ng ilang mga star sa genre. Dito rin mismo nanggaling ang kaniyang pangarap na mabilang sa isang action series.
“Talaga 'yung number one na pinangarap ko po nung pagpasok ko po sa industriya, sabi ko, 'Balang araw sana makagawa po ako ng action [series],' kasi lumaki po tayo na pinapanood [sina] sir Robin Padilla, sir Jeric Raval, Ace Vergel, Ace Espinosa, [sila ang] mga pinapanood ko po dati,” sabi niya.
Hilig din umano ni Jon manood ng true to life stories na pelikula. Ngunit nang tanungin siya kung pagaartista ba talaga ang pinangarap niya simula pagkabata, ang sagot ni Jon, “Hindi po talaga number one dream 'yung pagiging artista.”
Paliwanag niya, “Sobra akong mahiyain, as in kahit nga na nandito na po tayo sa showbiz tas mag-e-eleven years na rin tayo, nararamdaman ko pa rin palagi 'yung kaba, 'yung hiya.”
“Talagang alam mo 'yung kailangan mo lang gawin at saka ginusto mo na siyang gawin kasi minahal ka rin nito. Kumbaga, alam mo rin siyang mahalin kasi nafi-feel ko na napakalaking tulong at napakalaking bagay po sa akin at sa pamilya ko nitong ipinagkaloob sa atin na trabaho,” dagdag ng aktor.
Ngunit ano nga ba ang pangarap ni Jon? “Basketball po talaga ang pangarap ko.”
“Makikita ko 'yung sarili ko nung bata ako na nasa collegiate basketball tapos magiging PBA player,” sabi niya.
TINGNAN ANG MGA KAPUSO STAR NGAYON NA ATHLETE NOON SA GALLERY NA ITO:
Kuwento ni Jon ay hindi na rin naman ito natuloy dahil pagka-graduate pa lang niya ng high school ay nag-audition na siya para makapasok sa industriya. Ginawa niya ito para makatulong sa kaniyang pamilya at mapag-aral ang kaniyang bunsong kapatid.
“So after high school, nawala na 'yung dream na maging basketball player so finocus ko na lang po na sana makuha sa mga audition, matanggap sa mga ganito,” sabi niya.
Pakinggan ang buong interview ni Jon dito: