
Isa si Kapuso actor Jon Lucas sa mga naging stand-out sa top rating full action series na Black Rider.
Gumaganap si Jon sa serye bilang si Calvin, ang mortal na kaaway ng bidang si Elias na karakter naman ni primetime action hero Ruru Madrid.
Dahil sa nalalapit na pagtatapos ng serye, binalikan ni Jon ang naging karanasan niya rito.
"For me siguro kakaiba talaga ang paglalakbay at paglalayag natin dito sa Black Rider. Napakadaming itinuro sa akin ng programang ito. Tinuruan tayo na maging responsableng artista, tinuruan tayong maging mabuti sa pakikisama sa mga nakakatrabaho, sa mga nakakasalamuha," lahad niya.
Inamin din ni Jon na muntik na siyang sumuko sa showbiz nang matanggap niya ang role bilang Calvin sa Black Rider.
Hindi daw niya inasahan na ganito kalaki ang role, at lalong hindi niya inasahan na ito na ang magbibigay sa kanya ng lakas at inspirasyon para magpatuloy sa pag-aartista.
"Ang laking tulong niya rin kasi nga nakukuwento ko rin sa inyong lahat na last year lang ay nandon na 'ko sa sukdulan. Pasuko na tayo, pai-stop na tayo sa ginagawa natin pero pinagkalooban tayo ng ganitong napakagandang trabaho," paggunita niya.
Kaya naman lubos ang pasasalamat ni Jon sa lahat ng nagtiwala sa kanya.
"Hindi tayo pinabayaan ng GMA, ng GMA Public Affairs, ng mga boss ko diyan. Sobrang thankful and grateful po ako sa inyong lahat. Wala akong ibang masasabi kundi ang naging journey natin dito ay talagang masaya at mapayapa at proud na proud ako na naging part ako ng napakagandang programang ito," ani Jon.
Sa huling linggo ng Black Rider, magtutuos sina Elias at Calvin sa huling pagkakataon. Sino sa kanila ang mananaig sa huli?
Image Source: lucas_aljhon (Instagram)
Patuloy na panoorin mga parating na episodes ng 2024 New York Festivals bronze medalist at 2024 Gandingan Awards Most Development-oriented Drama Program na Black Rider!
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Walang magpapaiwan sa papalapit na heroic finale ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 10:00 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream sa Kapuso Stream.