GMA Logo Jon Lucas and Family
Source: lucas_aljhon/IG
Celebrity Life

Jon Lucas, nakilala ang asawa dahil sa pagsasayaw

By Kristian Eric Javier
Published April 3, 2024 4:55 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Ipo Dam gate open to release water —PAGASA
'PBB' housemate Joj Agpangan weds fiancé in Austin, Texas
Macacua seeks special session to pass Bangsamoro districting law

Article Inside Page


Showbiz News

Jon Lucas and Family


Mula sa pag-indak sa TV ay panghabangbuhay na ang sayaw nina Jon Lucas at Shy Feras. Alamin ang kwento nila rito.

Kilala ang Black Rider star na si Jon Lucas bilang isang magaling na actor. Pero bago pa siya naging isang Kapuso ay naging miyembro muna siya ng isang boys dance group. Pagsasayaw rin ang dahilan kung bakit niya nakilala ang asawang si Shy Feras.

Ikinuwento ni Jon sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast na bumibida na siya sa mga teleserye noon nang magpa-audition para sa isang boy group noong 2015. Plano umano ipakilala ang grupo sa noontime show na It's Showtime na kalaunan ay naging regular work na niya.

Ani ni Jon, bata pa lang siya ay sumasayaw na siya, “Mas masayaw po talaga 'yung activity sa school ayan puro sayaw po tayo, doon tayo medyo malakas po ang loob pero mahiyain pa rin.”

Ngunit dahil din mismo sa pagsasayaw ay nakilala ni Jon ang asawang si Shy.

Kuwento ng aktor, “Bale ako po nung time na po na nasa Showtime po, bale si misis po ay Showtime dancer. Every day kaming nagkakasama, every day kami nagkikita po doon tapos ayun na, doon na po kami nagkaroon ng konting tinginan, konting pagtingin.”

Magpipitong taon na silang kasal ni Shy ngayong taon. Nabiyayaan na rin sila ng dalawang anak: si Brycen Christian, na ipinanganak noong November 2017, at Brionna Lucas, na ipinanganak naman noong February 2022.

TINGNAN ANG MGA PHOTOS NA NAGPAPATUNAY NA "BEST DAD EVER" SI JON SA GALLERY NA ITO:

Ayon kay Jon, nakikita naman niyang close sa kanilang dalawa ni Shy ang parehong anak nila. Ngunit tuwing pinagbabawalan umano sila ng kanilang mommy sa isang bagay ay sa kaniya lumalapit ang mga ito.

Ngunit kuwento ni Jon, naging mas malapit sa kaniya ang kanilang panganay na anak simula nang pumanaw ang kaniyang daddy nitong January lang.

“Kasi 'yung pangany ko, sobrang close na close sa daddy ko, so e nawala nga po kaya parang na-feel niya 'yung parang pangungulila, gaya nitong mga nakaraan, lagi lang siyang nakadikit sa akin,” kuwento ni Jon.

Dagdag pa niya, “Every day kasi tulad niyan kapag may work po tayo every day school, 'yung lolo po niya naghahatid-sundo sa kaniya. Tapos, kapag rest day, pumupunta sila sa mag convenience store, binibili 'yung mga gusto niyang chichirya, mga candy.”

Sinabi rin niya na kung dati ay ayaw siyang katabi ni Brycen, ngayon ay hindi na ito humihiwalay sa kaniya at ayaw pa ng kaniyang anak na hindi siya nakikita.

“Ngayon niya na-feel na parang 'Ay malungkot ang daddy ko, baka ganito rin ang mangyari sa akin kapag si daddy naman ang wala.' Kaya talagang dikit siya ng dikit, naging close po talaga lalo sa akin,” sabi ni Jon.

Samantala, bukod sa pagiging panganay nilang anak ay kuyang-kuya umano si Brycen sa kaniyang nakababatang kapatid na si Bria. Ayon kay Jon, tuwing nakikita ni Brycen na umiiyak o nakakaawa ang kaniyang kapatid tuwing nag-aagawan sila sa isang bagay ay binibigay na nito ang gusto.

Pakinggan ang buong interview ni Jon dito: