
May halong luha at damdamin ang pagbabalik ng season one finalist na si Jong Madaliday sa The Clash arena.
Sa nakaraang episode ng The Clash 2025 noong Linggo, June 29, nagtapat sila ng kapwa niya Clashbacker na si Liana Castillo, mula season five, sa round one ng kompetisyon.
Inawit ni Jong ang kantang "Iris" ng American rock band na Goo Goo Dolls. Nag-viral pa sa social media ang kanyang performance at nakakuha ng 1.5 million views sa official Facebook page ng The Clash matapos lang ang isang araw.
Emosyonal ang kanyang naging performance kaya naman hindi maiwasang madala ang Clash Master na si Julie Anne San Jose, at maging ang The Clash judges na sina Lani Misalucha at Aiai Delas Alas.
Ani ng Comedy Concert Queen, "'Di ko rin maipaliwanag kung bakit ako naiiyak tuwing nagpe-peform ka (Jong)."
Ayon pa kay Aiai, naluha siya sa performance ni Jong dahil alam niya ang mga pinagdaanan nito sa buhay.
Patuloy niya, "Actually, no'ng season one pa lang gan'to na kaming dalawa (Lani). Siguro kasi 'yung background n'ya, fisherman s'ya tapos lumaban s'ya sa buhay tapos andito na naman sya ulit--lumalaban ulit. No'ng first n'ya kasi nagkabulutong 'to kaya medyo 'di nakalaban. Alam ko 'yung taong lumalaban talaga sa buhay and nakikita mo 'yun sa kanta n'ya."
"Ako breadwinner din ako ng family so siguro nakaka-relate ako sa kanya kaya medyo naiiyak ako pero welcome back, ang OG ng The Clash."
Pinuri rin ni Aiai ang pagiging consistent ni Jong sa kanyang talento.
Dagdag niya, "Sobrang emosyonal ng performace mo at talaga namang hindi ka pa rin nagbabago, 'yung boses mo gano'n pa rin, 'yung emosyon mo, gano'n pa rin. 'Yung pagkakulot gano'n pa rin pero straight ang paniniwala ko sa 'yo sobra."
Dahil sa kanyang mahusay na performance, pasok sa round two ng The Clash 2025 si Jong.
Mapapanood ang The Clash 2025 tuwing Linggo, 7:15 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.
NARITO ANG IBA PANG PAST CLASHERS NA NAGBALIK SA THE CLASH.