
Malaki ang pasasalamat ng SexBomb Girls, kabilang na si Jopay Paguia, sa pagiging nanay, mentor, at manager ni Joy Cancio sa kanila. Bukod sa paghubog ng kanilang talento, tinutukan at inalagaan din niya ang imahe ng mga miyembro ng grupo. :
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, January 8, binalikan ni Jopay ang isang paalala ni Joy sa kanila pagdating sa costumes.
“Ultimo 'yung pananamit namin, sasabihin niya, ito naalala ko, sinabi niya, 'SexBomb na 'yung pangalan natin, magsusuot pa kayo ng maiksi?' Hindi ko makakalimutan 'yun. Sexy na, e, 'tapos maiksi pa,” sabi ni Jopay.
Pag-amin ni Jopay, ang tingin kasi noon sa kanilang mga dancer ng publiko ay mahaharot.
Kaya naman, tanong ni King of Talk Boy Abunda sa kanila, “Nabago na ba 'yun?”
Sagot ni Jopay, “Nabago na po 'yun. Sa tingin ko po, nabago na po 'yun kasi kumbaga, ang laki naman po ng naitulong namin sa industriya ng mananyaw.”
Sumang-ayon si Joy na malaki na ang pinagbago ng pananaw at trato sa dancers ngayon. Pag-alala pa niya, may mga panahon na ang call time sa kanilang Vicor Dancers ay 6:00 a.m., pero makukunan sila ng 6:00 a.m. kinabukasan dahil hinuhuli sila.
“Dahil dancers, hindi kayo inuna?” tanong ni Boy.
“Oo. Kaya sabi ko, sana naman, hindi mangyari sa SexBomb. Actually, Dance Focus sila nu'n. Nu'ng naging SexBomb na, ayan, hindi sila dancer, artista sila. Artist sila. 'Pag sinabi sa 'kin, 'Joy ganiyan, ganiyan,' 'Hindi, mauuna na kami kasi may lagari kami.' Kasi gusto nila, ihuli,” sabi ni Joy.
TINGNAN ANG SISTERHOOD NG SEXBOMB GIRLS SA GALLERY NA ITO:
Nilinaw din ni Joy na artists ang tawag niya sa SexBomb Girls at hindi lang dancers at dahil hinulma naman niya ang mga ito sa iba't ibang larangan sa industriya.
“Minold ko naman sila not only in dancing, nag-acting din, at the same time 'yung singing, lahat 'yun pinasok nila, 'yung training nila,” sabi ni Joy.
Panoorin ang panayam kina Jopay at Joy sa video sa itaas.