
Umamin si Jose Manalo na may gusto siya para kay Eugene Domingo. Ito ang kanyang rebelasyon sa pagpasok ng bagong taon sa Celebrity Bluff.
Nitong Sabado, January 9 muling napanood sina Eugene, Jose, Boobay, at Brod Pete sa all-original Pinoy comedy game show na Celebrity Bluff.
Samantala, mga naggagandahang celebrity moms ang naki-“Fact or Bluff.” Nagpagalingan sa kaalaman at nakipagsabayan sa katatawananan sina Janna Dominguez, Katrina Halili at Roxane Guinoo.
Ani Eugene, dahil bagong taon ay magiging mas open siya sa pag-ibig. Bilang panimula ay ibinahagi niya ang natanggap na regalo mula sa actor-comedian; isang bracelet na may nakalagay na JoGe.
Bilang pasasalamat ay nais halikan ng Celebrity Bluff host ang kanyang ka-love team. Pero, tumanggi si Jose at nagpaliwanag, “Hindi naman ako nagbibigay ng isang bagay para mahalikan lang ako. Nagbibigay ako dahil gusto ko. Hindi ako humihingi ng kahit anong kapalit. Halikan mo ako, 'wag, basta masaya ka. Doon lang ako.”
Matapos ang ilang rounds ng tanungan kasama ang celebrity players, muling nabaling ang atensyon ni Eugene kay Jose.
Wika niya rito, “Pwede magtanong, Jose? Kailangan maging open na tayo, 'no. Bakit type mo ako?”
Tila hindi komportable si Jose na pag-usapan ang kanilang personal na buhay. Gayunpaman, wika niya, “Hindi, hindi ako nagbabago. Kaya lang siyempre ang lalaki, minsan nahihiya rin. Ipinakita ko na nga. Hindi, aminado, may gusto ako sa'yo.”
Saan kaya mauuwi ang kanilang pag-aaminan? Panoorin ang January 9 episode sa itaas.