
Naghatid ng saya ang dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemates na sina Josh Ford, Ralph De Leon, Ashley Ortega, at Emilio Daez sa unang araw ng 2026 sa It's Showtime.
Isang pasabog na opening performance ang hatid nina Josh, Ralph, Ashley, at Emilio sa nasabing noontime variety show kahapon (January 1). Matapos ito, ibinahagi nila ang kanilang New Year's Resolutions.
Ayon kay Josh, nais niyang magkaroon ng malakas na pangangatawan. Aniya, "Ang New Year's Resolution ko talaga, magpalaki ng katawan katulad ni Ralph and Emilio. Kapag magkakatabi kami 'di ba, wala na e. Para same same na kaming tatlo na malaki katawan."
Ani Ralph, "Ako naman, siguro, magpagaling talaga sa sayaw tulad ni Josh. Magwu-workshop tayo."
Para kay Ashley, ang mas matuto sa pagluluto ng home-cooked meals ang kanyang New Year's Resolution.
Aniya, "Mahilig kasi ako mag-order almost every day. So I wanna learn how to cook 'yung mga ulam talaga para mas healthy din."
Tinanong naman ng Unkabogable Star na si Vice Ganda si Emilio kung ano ang kanyang mina-manifest ngayong 2026.
"Siguro po, acting projects po this 2026 ang mina-manifest ko. Sana po magka-work po tayo one time," sagot ng Kapamilya star.
Patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.