
Nakaabang na ang napakaraming fans ni Joshua Garcia sa nalalapit na pagpapalabas ng upcoming drama series na Unbreak My Heart.
Bago ang pagsisimula ng serye, pinaunlakan ng mga aktor na kabilang sa cast ang katanungan ng ilang miyembro ng press sa katatapos lang na media conference.
Nang makatanggap si Joshua nang tanong tungkol sa kanyang co-lead star at Kapuso actress na si Gabbi Garcia, masaya itong sinagot ng una.
Ayon sa Kapamilya aktor, magaan daw katrabaho si Gabbi at tila hindi na lang aktres ang turing niya sa huli at pati na rin kay Jodi Sta. Maria kundi mga kaibigan na niya.
Pahayag ni Joshua, “Magaan siya [Gabbi Garcia] katrabaho, siya 'yung masasabi ko na feeling ko close pa rin kami pagkatapos nito. Alam n'yo 'yun, na magkaibigan pa rin kami. Nakakapag open-up ako sa kanya.”
Dagdag pa niya, “Nagshoot kami abroad, malayo kami sa Pilipinas. Siyempre, hindi maiwan na mamiss 'yung pamilya. And Gabbi and Ate Jodi [Sta. Maria], sila 'yung nandiyan para makinig ng mga kung ano-anong istorya ko.”
“As an actor, sobrang giving ang professional siya,” hirit pa ng aktor.
Matapos sumagot nang seryoso, may makulit namang biro ang aktor, "Maalaga siya sobra, pinupunasan ako ng pawis…"
Tumatawa namang sinabi ni Gabbi, “Hindi totoo, uy.”
Kasunod nito, nagkatawanan na sina Joshua, Gabbi, at pati na rin ang ilan sa cast Unbreak My Heart na katabi nila on stage.
Samantala, bukod kina Joshua at Gabbi, mapapanood din bilang lead stars sa palabas sina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.
Abangan ang kanilang mga karakter sa Unbreak My Heart, ipapalabas na sa darating na May 29, sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies, 9:35 p.m., at sa GTV naman ay sa oras na 11:25 p.m.
Para naman sa advance streaming, maaari itong mapanood sa May 27, 2023, 9:00 p.m. sa GMANetwork.com, iWantTFC, at Viu.
SILIPIN ANG ILANG LARAWAN NG UNBREAK MY HEART STARS MULA SA KANILANG ITALY TAPING SA GALLERY SA IBABA: