
Nagbigay ng kanilang mga saloobin sina Joshua Zamora at Alex Castro, asawa ng SexBomb Girls na sina Jopay Paguia at Sunshine Garcia, sa naging komento ng asawa ng dating kamiyembro na si Izzy Trazona na si Alvin Aragon.
Matatandaan may mga sinabi si Alvin patungkol sa mga asawa ng ibang miyembro ng girl group, at pinangalanan pa si Alex, sa mga pahayag nito tungkol sa sexy costumes ng SexBomb Girls.
Sa isang panayam, sinabi ni Alvin na hindi dapat pinapayagan ni Alex ang asawang si Sunshine na magtanghal sa naturang reunion concert.
“Sinasabi nila, 'Buti pa 'yung asawa ni Sunshine, vice governor, pinayagan sila mag-concert.' Dapat nga hindi eh. Dapat nga, 'yung asawa mo, ingatan mo. Hindi mo hahayaang mag-suot ng mga damit na para pagnasaan ng mga lalaki,” sabi ni Alvin.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes (March 10), sinagot nina Alex at Joshua ang pahayag ng kanilang kapwa “SexBomb Husband.”
“After kasi ng Valentine's Day 'yun, so galing kami ng date ni Shine, tapos pagkagising namin, marami nang nag-text sa 'min. Siguro 'yung naging assessment ko lang du'n sa nangyari, may kaniya-kaniya tayong paniniwala, papaano 'yung relasyon natin sa asawa natin, kung papaano natin suportahan,” sabi ni Alex.
Pagpapatuloy pa niya, “Kapag kinomper mo na kasi 'yung sarili mo sa iba at sasabihin mo na ikaw ang tama at mali 'yung isa, du'n na po nagkakaroon ng problema.”
Nilinaw din ni Alex na kaya hindi niya sinagot noon si Alvin ay dahil nirerespeto niya ito at ang mga sinabi nito.
BALIKAN ANG NAGANAP SA RAWND 1 NG SEXBOMB REUNION CONCERT SA GALLERY NA ITO:
Dagdag pa ng Bulacan Vice Governor, marami pa siyang ibang dapat na mas intindihin kaysa sagutin ang mga pahayag noon ni Alvin. Nilinaw din ni Alex na wala naman siyang galit kay Alvin at sinasabing hindi kasalanan ng dancers o ng SexBomb Girls kung magkaroon ng pagnanasa ang mga nanonood sa kanila, gaya ng sinabi nito.
“Ang may mali du'n, kung may pagnanasa 'yung nanonood. Tito Boy, concert 'yun, ganu'n ang mga costume. Kapag dinala mo sa simbahan 'yung ganu'ng klaseng costume, mali po 'yun,” sabi ni Alex.
Bilang miyembro ng parehong church ni Alvin, sinabi naman ni Joshua na may karapatan naman ang lahat na magbigay ng pahayag tungkol sa kahit anong paksa.
“But at the same time, gaya ng sinabi ni VG, kailangan mag-ingat tayo kasi 'yung conviction, para sa 'kin, it's the conviction. Kung wala ka nitong conviction, parang kahit ano na lang, pwede mong itapon e. Parang mawawala na lang 'yung wisdom mo, how you will say it, mawawala 'yung love, being compassionate,” sabi ni Joshua.