
Naging espesyal ang mga naganap na Get, Get, Aw! The SexBomb Concert dahil ito rin ang nagsilbing reunion ng mga miyembro ng tinaguriang OG girl group ng Pilipinas na SexBomb Girls.
Ngunit naging mas extra special pa ang kanilang rAWnd 4 concert, lalo na para sa kamiyembro nilang si Jopay Paguia nang mag-propose muli ng kasal ang asawa niyang si Joshua Zamora.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, March 10, ibinahagi ni Joshua na gagawin dapat niya ang naturang proposal noong 10th anniversary nila, para sana makapag-renew sila ng vows kasabay nito.
“But it didn't happen dahil pareho kaming busy. So nu'ng concert, sabi ko, naisip ko lang na nu'ng una, sinabi ko lang kay wifey na gusto ko lang isama 'yung mga bata para as a family lang, gusto lang namin makita mo 'yung support namin,” sabi ni Joshua.
Wala rin umanong pinagsabihan si Joshua sa mga ka-grupo ni Jopay, o kahit ang buong production team.
“It was just me and the director, si Direk Mandy (Marcos) that night, e,” sabi ni Joshua.
KILALANIN ANG CELEBRITY COUPLES NA NAG-RENEW NG KANILANG WEDDING VOWS SA GALLERY NA ITO:
Matatandaan na isang breathtaking na performance ang ibinigay ni Jopay sa naturang concert, suot ang isang “Wonder Woman” inspired na costume. Sinamahan pa siya ng asawang si Joshua na miyembro naman ng dance group na The Maneuvers.
Sa pagtatapos ng kanilang performance, inangat si Jopay sa isang hoop. At sa pagbaba sa kaniya, nakaabang na ang sorpresa ni Joshua; isang second proposal para sa kaniyang asawa.
Hindi na napigilan pa ni Jopay na mapaiyak nang mapansin ang asawa at mga anak na kasama nito sa entablado.
“Our super mom! My Babas, will you marry me again?” tanong ni Joshua pagkatapos ilabas ang isang singsing.
Biro pa ng dancer, tila hindi narinig ng mga tao ang sagot ni Jopay kaya inabot niya ang mikropono dito.
“I said yes!” sagot ni Jopay, na umani ng hiyawan mula sa mga manonood.
Panoorin ang panayam kina Joshua at Alex Castro dito: