
Aminado si Joy Cancio na nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay niya nang maging mentor at manager siya ng SexBomb Girls noon. Ngunit, sa kabila nito, mayroon ding hindi magandang pagbabago na nangyari sa kanya, lalo na noong malulong siya sa pagsusugal.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, January 8, sinabi ni Joy na na-overwhelm siya sa kasikatan na tinamasa noon ng SexBomb Girls bilang manager nila. Mula kasi sa hit singles at guestings, nagkaroon din ng mga teleserye at pelikula ang grupo, bagay na ikinatuwa naman niya bilang manager.
Pagbabahagi ni Joy, umabot din sa puntong naging sobrang lungkot niya sa buhay, “Lahat binibigay ko 'yung oras ko para magkaroon sila ng shows. 'Tapos, nag-produce ako ng Daisy Siete kasi na-experience ko rin yung pagte-taping nila na ang liit lang naman ng talent fee, kulang pa sa vitamins kasi kukuha ka po ng commision.”
Ngunit nang sumisikat na ang SexBomb Girls, bumaliktad na umano ang kwento. Napasama raw siya nang lumaki na ang kinikita niya kumpara sa grupo.
“Parang nasaktan ako in a way, parang nagrebelde, hanggang nakita ko, na-meet ko itong si one-armed bandit sa casino. So nalulong ako du'n, 'yun 'yung masamang-masamang ginawa ko sa buhay ko, na alam ko du'n ko na-realize na God loves us, hindi niya pababayaang malugmok tayo,” sabi ni Joy.
ALAMIN ANG IBA'T IBANG "ADDICTION" NG CELEBRITIES SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Joy, doon niya umano nakita ang kaniyang kasiyahan. Ngunit sabi rin ng dating manager, kapag natatalo ay para siyang naaadik dahil ayaw niyang tumayo para makabawi pa. Dahil dito, naging mainitin umano ang ulo niya, kahit sa SexBomb Girls.
Patuloy lang umano si Joy sa ganitong buhay ngunit dumating ang puntong sumuko na rin siya.
“Pero nu'ng naramdaman ko na 'yung ginawa kong hindi tama, nanikip ang dibdib ko, I took a bottle of antihistamine to just sleep, nanikip ang dibdib ko, du'n ko tinawag ang Panginoon, nanghingi ako ng tawad. Sabi ko, 'Lord, forgive me for what I have done,'” pag-alala niya.
Hanggang sa makarating si Joy sa ICU, iyon lang daw ang naging hiling niya. Kaya naman, sobrang laki ng pasasalamat niya sa Panginoon dahil ito na ang kaniyang ikalawang buhay.
“I know, hindi ko pinagsisisihan kasi ito pala 'yung way para maging malapit ako sa Panginoon. Lahat naman tayo, amy purpose, e. So 'yung choice, alam natin. Kung ayaw n'yong magbago, ayaw kong magbago o gusto ko nang magbago, 'yun,” sabi ni Joy.
Panoorin ang panayam kina Joy at Jopay dito sa video sa itaas.