
Bumisita si Kapuso actor Mikoy Morales sa bahay ng kaibigan at kapwa Kapuso star na si Juancho Trivino para personal na ihatid ang imbitasyon para sa kanyang kasal.
Dito na rin tinanong ni Mikoy Morales kung maaari ba niyang maging groomsman si Juancho Trivino.
Sa isang maikling video, ibinahagi ng magkaibigan ang pagbubukas nila ng personalized gift box na inihanda ni Mikoy para sa kanyang wedding entourage.
Nagbibiruan pa ang dalawa tungkol sa isa pa nilang kaibigan at kapwa Kapuso na si Mikee Quintos na una nang inalok ni Mikoy para maging bestwoman sa kanyang upcoming wedding.
"Before ko bukasan 'yan, gusto ko lang sabihin, mas matagal tayong magkakilala kesa kay Mikee," paalala ni Juancho kay Mikoy.
Laman ang gift box invitation ni Mikoy ang isang madamdaming sulat para kay Juancho, personalized keychain na may ukit ng karakter ni Juancho na si Padre Salvi mula sa seryeng Maria Clara at Ibarra, at isang bote ng pabango.
Naging emosyonal si Juancho nang basahin ang liham ni Mikoy pero tila umurong ang kanyang luha nang makitang groosman at hindi bestman ang papel niya sa kasal.
"Wait lang, naiyak pa 'ko, talo pala 'ko," biro ni Juancho.
Nagbigay din siya ng mensahe kay Mikee.
"Okay, Mikee, ikaw ang nanalo. Kung busy ka sa araw na 'yun, ako 'yung understudy," hirit niya.
Na-engage si Mikoy Morales sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Isa Garcia nitong nakaraang February.
Magkarelasyon ang dalawa simula 2021.
Nag-propose si Mikoy sa screening ng short film na inihanda niya bilang sorpresa para kay Isa.
RELATED CONTENT: SILIPIN ANG PROPOSAL NI MIKOY MORALES SA KANYANG NON-SHOWBIZ PARTNER DITO: