
Bibida sina Kapuso stars Juancho Trivino at Jelai Andres sa unang miniseries na handog ng bagong season ng romance-fantasy anthology na My Fantastic Pag-ibig, ang “Dear Ghostwriter.”
Susundan sa “Dear Ghostwriter” ang kuwento ni Purple (Jelai), isang writer na mare-reject ang sinulat na nobela dahil sa tragic at anti-romantic nitong kwento. Dahil sa personal na hugot sa buhay, pinapatay niya lagi ang mga lalaking karakter sa mga kathang istorya niya.
Pero dahil nais ni Purple na maging published author, hihingi siya ng pagkakataon sa publisher na ibahin ang kanyang kwento. Subalit masisira naman ang kanyang laptop.
Dahil dito, mapipilitan si Purple na bumili ng second-hand laptop sa online shop. Matapos ang ilang araw ay darating ang kanyang order pero ang hindi niya alam, hindi lang laptop ang kanyang matatanggap dahil kasama rin nito ang ligaw na kaluluwa ni Joshua (Juancho).
Saan hahantong ang kanilang pagkikita? Ano ang magiging papel ni Joshua sa buhay ni Purple? Matapos kaya ni Purple ang isinusulat niyang romance novel?
Bukod kina Jelai at Juancho, tampok din sa “Dear Ghostwriter” sina Angellie Sanoy at Terry Gian.
Abangan ang My Fantastic Pag-ibig: Dear Ghostwriter ngayong Sabado, May 8, 7:45 p.m., sa GTV.
Maaari naman itong mapanood ng mga Kapuso abroad via GMA Life TV.