
Hindi naging madali ang pagbabalik sa trabaho nina Juancho Trivino, Mark Herras, at Rodjun Cruz dahil matagal-tagal din nilang hindi makikita ang kanilang mga anak.
Naka-hotel quarantine na si Juancho ngayon at aminadong nagkakaroon siya ng separation anxiety sa asawang si Joyce Pring at sa anak nilang si Alonso Eliam.
"'Yung anxiety na naramdaman ko being away from Joyce tsaka now, son ko, medyo malakas siya, kakaiba," saad ni Juancho sa report ni Cata Tibayan sa 24 Oras.
"So, hindi ko napigilan hindi maging emosyonal nung umalis ako."
Naging emosyonal naman si Nicole Donesa sa pag-alis ng asawang si Mark Herras upang pumunta sa lock-in taping ng Artikulo 237.
Sa kanilang vlog, sinigurado ni Mark na nayakap niya nang matagal ang anak na si Corky at may pabaon rin siyang mga halik.
Samantala, sa lock-in taping na rin inabutan ng kanyang kaarawan ang aktor na si Rodjun Cruz.
Malungkot man dahil hindi siya nakapagdiwang kasama ang asawang si Dianne Medina at anak na si Joaquin, nagpapasalamat pa rin si Rodjun dahil sa sorpresang birthday salubong ng kanyang pamilya kahit virtual lang ito ginanap.
"Naging emosyonal din ako kasi sabi ko hindi ko maki-kiss si Baby Joaquin, hindi ko maki-kiss si Dianne tapos 'yung family members, hindi ko maha-hug," pag-amin ni Rodjun.
"So hindi ko sila makakasama pero kumbaga, nakumpleto pa rin yung birthday ko kasi nga sinurprise nila ako."