Article Inside Page
Showbiz News
Ayon sa young star, pangarap niya talagang maging artista kaya’t wala siyang pinanghihinayangan kahit nahihirapan siyang mag-adjust sa buhay celebrity.
By AL KENDRICK NOGUERA
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
Sa murang edad ay pinasok ni Judie Dela Cruz ang mundo ng showbiz nang matanggap siya sa audition ng
Yagit. Ayon sa young star, pangarap niya talagang maging artista kaya’t wala siyang pinanghihinayangan kahit nahihirapan siyang mag-adjust sa buhay celebrity.
Ngayong artista na si Judie, kailangan na niyang pagsabayin ang pag-aaral at ang career. Pero aniya, wala naman daw itong problema sa kanya.
‘Di tulad noon, home study na ngayon si Judie kaya’t kahit paano ay hawak na niya ang kanyang oras. Aniya, “Ayos naman po, napagsasabay ko naman po silang dalawa.”
Parehong priority ni Judie ang studies at career kaya’t pantay ang ibinibigay niyang effort sa dalawa. “Kapag minsan po na wala po kaming taping or guesting, ginagawa ko po 'yung mga module ko tapos pumapasok din po ako,” saad niya.
Bukod pa rito, sumabak na rin si Judie sa long working hours tuwing taping ng
Yagit. Noong una raw ay hindi pa siya sanay pero ‘di kalaunan ay nakapag-adjust na rin ang young actress.
“Nasanay na rin po nang kaunti. Hindi na naman po ako inaantok kapag nagte-taping,” pahayag ng Yagit star.
Malaki na rin daw ang improvement ni Judie sa pagkabisa ng lines. “Hindi na po katulad dati, kasi dati po nahihirapan po akong mag-memorize pero ngayon hindi na po,” bahagi niya.
Dagdag pa niya, nagugulat na lang daw siya sa sarili kapag parang natural na lang ang pagme-memorize niya ng lines. “Binabasa ko na lang po minsan. Ang galing ko nga po eh,” ani Judie.
Ayon kay Judie,
unti-unti na niyang nararamdaman na isa na siyang artista dahil lagi na siyang nakikilala ng mga taong nakakasalamuha niya.