
Masayang nakapanayam ng King of Talk na si Boy Abunda ang seasoned actress na si Judy Ann Santos.
Kabilang sa napag-usapan ng dalawa ang relasyon ng batikang aktres sa kanyang asawang si Ryan Agoncillo. Ayon kay Judy Ann, mag-lalabing-anim na taon na silang kasal ni Ryan at magda-dalawampung taon na silang magkarelasyon.
Tanong naman ni Boy sa aktres ay kung nagkaroon na ba sila ng away ni Ryan dahil sa selos.
Sagot ni Judy Ann, “Hindi naman mawawala sa isang relationship ang selos, Tito Boy, lalo na nung nagsisimula kami, meron at meron talaga. Pero ngayon, siyempre, matatanda na kami, nag-mature na kami. Ibang level na 'yung mga issue namin, mostly para sa aming dalawa talaga, wala na masyadong concern na ibang tao. Kung meron man, hindi na siya 'yung napakababaw na dahilan.”
Dagdag na tanong naman ng batikang TV host, “How do you keep yourselves interested with each other? I know you spend a lot of time in the banyo. Ano ang ginagawa n'yo sa banyo ni Ryan?”
Ayon sa MMFF 2024 Best Actress, sila ay nag-uusap ng kanyang asawa tungkol sa iba't ibang bagay gaya ng tungkol sa kanilang pamilya.
“Nagtsi-tsismisan lang kami, mindless conversations. Conversations na maaaring malalim, maaaring para sa kinabukasan ng mga bata, maaaring may tsinismis lang akong nasagap na balita sa industriya. Marites ako sa bahay e, itsi-tsimis ko sa kanya, mga ganon'n lang. I think eventually we were able to find a way na, 'Ay, importante pa lang may ganito tayo,'” aniya.
Ikinasal sina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos noong 2009. Ang longtime celebrity couple ay mayroong tatlong anak na sina Yohan, Lucho, at Luna.
Patuloy na subaybayan ang Fast Talk with Boy Abunda tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m., pagkatapos ng Binibining Marikit.
SAMANTALA, SILIPIN ANG SWEETEST MOMENTS NINA JUDY ANN SANTOS AT RYAN AGONCILLO SA GALLERY NA ITO.