
Isang taos-pusong awitin ang hatid ng Queendom na binubuo nina Julie Anne San Jose, Jessica Villarubin, Thea Astley, Mariane Osabel, Hannah Precillas at Rita Daniela para bigyang-pugay ang yumaong GMA News pillar na si Mike Enriquez.
Kasalukuyang nakaburol ngayon ang batikang mamamahayag sa Christ The King Parish, Greenmeadows sa Quezon City, kung saan ilang journalists at showbiz personalities ang bumisita upang makiramay.
Sa Instagram post ng GMA Integrated News, makikita na inawit ng Queendom ang kanta ni OPM singer Gary Valenciano na “Lead Me Lord” sa burol ni Mike kahapon, September 1.
Kabilang sa mga dumalo sa burol ni Mike sina GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, Jessica Soho, Mel Tiangco, Vicky Morales, Arnold Clavio, Kara David, at marami pang iba.
Related content: Ilang mga personalidad, nabigay-pugay sa burol ng brodkaster na si Mike Enriquez
Ngayong araw (September 2), mayroong pagkakataon ang publiko na masilayan ang mga labi ni Mike sa Christ The King Parish, Greenmeadows sa Quezon City hanggang 3:00 ng hapon.
Pumanaw si Mike Enriquez noong August 29, 2023 sa edad na 71.
Taong 1969 nang magsimulang magtrabaho sa industriya ng broadcasting si Mike. Noong 1995, naging bahagi siya ng GMA Network.
Siya ay naging news anchor ng GMA flagship newscast na 24 Oras at host ng long-running public affairs program na Imbestigador.
Ang renowned broadcast journalist ay nagsilbi rin bilang President ng RGMA Network, Inc. at GMA Network's Senior Vice President and Consultant for Radio Operations.