
Hindi matatawaran ang galing ni Asia's Limitless Star Julie Anne San Jose sa pagkanta. Sa katunayan, ang pagiging coach niya sa The Voice Kids at judge sa nagdaang The Veiled Musician Philippines ay patunay na sa kaniyang galing sa pag-awit.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ni Julie ang routine na ginagawa niya simula noong bata pa lang para mapanatili ang magandang boses. Ilan dito, pag-iwas sa mga pagkain at inumin na makakaapekto sa kaniyang pagkanta.
“Ako, Tito Boy, parang naging routine na kasi siya sa akin, e. Parang nu'ng bata kasi ako, hindi talaga ako kumakain ng mga malamig or matamis, ganiyan. Or before ako mag-perform, hindi ako kumakain ng masyadong marami kasi nga, nagbo-bloat ako, tapos siyempre gagalaw, magpe-perform, baka masuka or something,” sabi ni Julie.
Ngunit pag-amin ng singer-actress, may mga pagkakataon din na binabali na niya ang rules na ito para sanayin ang sarili.
“For example nakainom ako ng malamig or nakakain ako ng matamis. Ayoko din po kasi na parang dine-deprive din 'yung sarili ko pagdating sa mga kinakain ko or like wala akong restrictions when it comes to food,” sabi ni Julie.
BALIKAN ANG PAGBALIKTANAW NI JULIE NG KANIYANG CAREER JOURNEY SA GALLERY NA ITO:
Sinisigurado rin ni Julie na hydrated siya at umiinom ng maraming tubig bago mag-perform. Nakakatulong din umano sa kaniya ang saging para madaling mabusog, at para umano mas-smooth ang lalamunan. Ngunit paglilinaw ng Asia's Limitless Star, kahit nakakatulong sa kaniya ito ay iba-iba pa rin ang epekto sa ibang tao.
Samantala, pagdating naman sa pagpe-perform sa isang concert, sinabi ni Julie na madalas ay hindi na niya inaaral ang mga kanta dahil kusa na umanong lumalabas iyon kapag nagsimula na siya at nasa zone na.
“Siyempre 'yung mga technicalities, like 'yung mga lyrics, mga banters or something like that, like how you interact with the audience, parang madali kasi ako maka-draw ng energy from people, e,” sabi ni Julie.
Pagpapatuloy pa ng singer, “That's why I'm so very, very thankful to everyone who watches me kapag mga live shows, ganiyan. Parang mas namo-motivate ako, or mas na-e-energize ako 'pag nakikita sila.”
Importante rin umano kay Julie ang pagvo-vocalize ngunit pag-amin ng singer, may mga pagkakataon na hindi niya nagagawa ito, lalo na kung nasa public space siya dahil baka magulat ang mga nakapaligid sa kaniya.
Ang kaniyang sikreto, dumadaldal at nakikipagkwentuhan na lang siya bilang paraan ng kaniyang pagvo-vocalize.
Panoorin ang panayam kay Julie dito: