
Pinabilib ng Asia's Limitless Star na si Julie Anne San Jose at Pop Princess na si Zephanie ang fans ng mga Korean drama nang mag-perform sila kasama ang Philharmonic Orchestra sa naganap na OST Symphony: K-Drama in Concert.
Nakasama rin nila ang Korean singer-songwriter na si Kang Dae-Ho, o mas kilala bilang si GAHO, at ang violinist na si Kim Mi Jung. Ginanap ang concert sa Metropolitan Theater nitong Sabado, June 29.
Kinanta nina Julie Anne at Zephanie ang iba't ibang original sound track (OSTs) ng Korean dramas na ipinalabas sa GMA, kabilang na ang ilan na ginamit sa Philippine adaptation ng iba sa mga ito.
Inawit ni Julie Anne ang themesong ng Descendants of the Sun na 'You are My Everything,' habang kinanta naman ni Zephanie ang themesong ng My Guardian Alien na 'Nagbago Ang Daigdig.'
Samantala, naghahanda na ngayon si Julie Anne para sa nalalapit na concert kasama ang isa sa mga vocalists ng SB19 at kapwa The Voice Generations coach na si Stell. Meron silang collaboration sa isang two-night show na JulieXStell: Ang Ating Tinig sa July 27 at 28 sa New Frontier Theater.
Pinaghahandaan na rin ni Julie ang kanilang “Sparkle Goes to USA” tour kasama sina Rayver Cruz, Alden Richards, Aiai Delas Alas, Isko Moreno, at Boobay.
Ang OST Symphony: K-Drama in Concert ay nabuo sa pagtutulungan ng National Commission for the Culture and the Arts (NCCA), ng Cultural Center in the Philippines (CCP), Philippine Philharmonic Orchestra (PPO), ng Metropolitan Theater, ng Korea Tourism Organization-Manila Office (KTO), ng GMA Network, at streaming service na VIU.