
Sa unang linggo ng hit Korean historical drama na Jumong, napanood ang paglaban ng dakilang mandirigma na si Haemosu, pinuno ng Damul Army, sa mapaniil na pamamalakad ng Emperyo ng Han sa mamamayan ng Joseon. Katuwang niya sa laban na ito ang kaibigang si Geum-wa, ang crown prince ng Buyeo.
Sa isa niyang laban, hindi inaasahan ni Haemosu na mas maraming sundalo pala ang haharapin ng kanilang grupo. Dito, nasibat siya at nahulog sa ilog, kung saan natagpuan siya ni Lady Yu-hwa, anak ng pinuno ng tribu ng Habaek.
Kalaunan ay nahulog ang loob nina Haemosu at Lady Yu-hwa sa isa't isa. Sa pagdadalang tao ni Lady Yuhwa, nagkaroon ng isang pangitain ang punong babaylan ng Buyeo na si Yeo Mi-eul. Sa pangitain, nakita niya ang isang uwak na may tatlong paa, na hudyat ng pagbangon ng isang dakilang bayani. Pero binigyang kahulugan ito ng babaylan na isang masamang pangitain laban sa Buyeo.
Nalagay naman sa panganib ang angkan ni Lady Yuhwa at maging ang tribu ng Habaek nang malaman ng Han na ang iniligtas niyang tao ay si Haemosu.
Sa pagtakas ni Haemosu, nakilala niya si Yuntabal, ang pinuno ng Gyeruh at isang mayamang mangangalakal. Nang malaman ni Yuntabal ang tunay na pagkakakilanlan ni Haemosu, ipinagbili niya ito sa Emperyo ng Han.
Nang mahuli si Haemosu ng mga sundalo ng Han at dinala sa Hyunto, sinubukan siyang iligtas ni Geum-wa at ng iba pang mga kasama niya sa Damul Army. Pero sa kanilang pagtakas, nagkahiwalay sina Geum-wa at Haemosu.
Patuloy na subaybayan ang Jumong, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 p.m. sa GTV.
Panoorin ang Jumong at iba pang GTV shows sa mas malinaw na digital display sa GMA Affordabox! Para naman sa on the go, huwag magpahuli sa inyong paboritong Kapuso programs gamit ang GMA Now sa inyong Android phones!
Mabibili ang GMA Affordabox at GMA Now sa iba't ibang appliance stores at malls, o kaya naman online sa GMA Store at sa official stores ng GMA sa Shopee at Lazada.