
Espesyal ang "Laro Laro Pick" segment ng It's Showtime kamakailan dahil muling nakasama ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang mga dating kapitbahay niya sa lugar kung saan siya lumaki.
Nakapag-reunion ang seasoned actor-host sa kanyang mga kapitbahay mula sa Tambunting, na parte ng Tondo, Manila. Sa naturang segment, ipinakilala ni Meme Vice ang ilan sa contestants gaya ng kanyang kauna-unahang naging bestfriend na si Melvin.
Sa jackpot round naman ng "Laro Laro Pick," ang lucky player na nabunot ni Ion Perez ay si Ate Precy at pinili ng una na sagutin ang P100,000 na Pot question, na tungkol sa pamagat ng dating serye ng SexBomb Girls na umere noon sa GMA-7 tuwing hapon.
Nagwagi si Ion nang nasagot nang tama ang katanungan at naiuwi ni Ate Precy ang jackpot prize. Matapos makamit ang tagumpay, nagpasalamat si Ate Precy sa It's Showtime at sa kanyang mga kapitbahay na nakasama niya sa "Laro Laro Pick."
Labis ang tuwa ni Vice Ganda na muling makasama ang mga tao mula sa komunidad na kanyang kinalakihan.
Aniya, "Maraming salamat sa pagkakataong makita ko kayo ulit, makakwentuhan. Masayang-masaya ako na nakita kayo sa telebisyon dahil kayo ang inire-represent ko araw-araw, 'yung mga taong katulad n'yo, mga kasama ko sa komunidad na kinalakihan ko. Maraming, maraming salamat sa ala-ala."
Bukod dito, nagbigay din si Vice Ganda ng P5,000 sa bawat contestant na sumali dahil malalapit sila sa puso ng It's Showtime mainstay.
Patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.