
Kahit nasa bahay ay nakapagbayanihan pa rin ang ilang Kapuso artist para sa kapwa-Kapuso at director of photography na si Joseph Delos Reyes na pumanaw dahil sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ang “Para Kay Seph” online benefit show ay pinangunahan ng mga kaibigan at mga naging katrabaho ni Joseph kabilang sina The Brave Firefly actress Glaiza de Castro, Asia's Pop Sweetheart Julie Anne San Jose, Bianca Umali, Ice Seguerra, Centerstage host Betong Sumaya, Tom Rodriguez, Ruru Madrid, Manilyn Reynes, Gladys Reyes, Christopher Roxas, LJ Reyes, Chynna Ortaleza, Kean Cipriano at marami pang iba.
Nakiramay din sina Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pamilya ng yumaong si Joseph kabilang ang naulila nitong asawa at nine-month-old na anak.
“Maraming salamat din sa pagkakataong ito, sa pamilya ni Kuya Joseph na naiwan, na naging parte kami ng concert na ito at sana ay tanging dasal naman ay malagpasan nila ang pagsubok na ito,” ani Marian.
Binigyang-pugay din ni Dingdong si Joseph para sa mga naitulong nito sa kanila.
“Nakikiramay din po kami sa pamilyang naulila ni Kuya Joseph. Nandito po kami ngayon to honor his life at lahat ng mga nai-contribute po niya sa buhay namin,” lahad ni Dingdong.
Ang concert ay napanood sa Facebook at YouTube account ng GMA News and Public Affairs.
Samantala, kabilang sa mga proyektong hinawakan ni Joseph ang Kapuso teleseryeng “Inday Will Always Love You,” “Wagas,” “Tadhana,” at “Sahaya.”
Panoorin ang buong 24 Oras report: