
Ayon sa iWitness host na si Kara David, hindi siya na-love at first sight sa kanyang asawa, ang musician at seafarer na si LM Cancio, kung hindi na-love at first hear siya nang marinig ng batikang journalist ang boses nito sa isang event.
Sa interview ni Kara sa Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento niya kung paano sila nagkita sa isang benefit concert.
“Ang nangyari nun ay nag-concert, benefit concert hindi naman ako mahilig sa concert, hindi nga ako mahilig sa music sa totoo lang diyusko, nandoon lang ako for the food,” pag alala ni Kara.
Pagpapatuloy ng batikang broadcast journalist, “Tapos may mga singer-singer ganiyan tapos parang inookray-okray ko pa. Tapos habang kumakain ako, totoo talaga 'to ah, biglang umakyat sa stage si LM, hindi ko pa siya nakikita kasi kumakain ako e. Tapos nagsabi lang, 'Good evening, everyone.' Hay! Nung narinig ko yung 'Good evening, everyone' sabi ko, ang guwapo ng boses.
“As in naniniwala na ako ngayon na hindi lang love at first sight, love at first hear [din].”
Ayon kaya Kara, kasama niya noon ang direktor ng iWitness na si Sunshine Matutina na nagsabing sana raw ay kasing gUwapo ng boses ang mukha. At sa pagharap nila sa stage, ang naging reaksyon ni Kara, "Cute kaya siya.”
Ikinuwento din niya kung paano siya dinare ng mga kasamahan niya na pangitiin si LM habang kumakanta pero tuwing bumabaling daw ito ng tingin sa kanila ay pumipikit ito para di siya makita.
“Kasi ayaw niya pala akong tingnan dahil kilala, oo naco-conscious siya. So panay ang pa-cute ko pag pumapaling 'yung ano sa direction ko pumipikit,” pag alala nito.
At dahil hindi sumuko si Kara, hinarang daw niya ito pagbaba ng stage at sinabihan na magaling. “Siyempre nag-smile na 'yong lolo mo. Oo lumabas na 'yung dimples, nag-smile na kaso lang sabi niya 'Thank you po, ma'am.' Na-ma'am-zone ako!” kwento niya.
Nakipag-picture pa nga si LM sa kanya, at binigyan naman siya ng mga CD ng kanta bago aminin na bata pa lang daw si LM ay crush na nito si Kara.
Pag-alala ng docuseries host, “Sabi niya ito 'yong exact words niya, 'Alam ko po, maki-creep out po kayo sa akin pero baka naman po kasi hindi na tayo magkita ulit, so sasabihin ko na lang na high school pa lang ako dalawa lang ang crush ko sa mundo kayo po 'tsaka si Alice Dixson.' Alice Dixson!”
Ayon pa kay Kara ay siya ang gumawa ng first move at hinanap si LM sa social media at nakipag chat dito.
Binanggit niya na limang taon na silang kasal ni LM. Sa huli ay ibinahagi ni Kara ang aral mula sa batikang news anchor at reporter na si Mel Tiangco tungkol sa pagmamahal at sa sarili.
“Hindi ko makakalimutan yung sinabi ni Tita Mel na parang 'ayusin mo muna 'yung sarili mo, you complete yourself first, kasi pag maganda na 'yung sarili mo at kumpleto na 'yung sarili mo, ma-a-attract mo 'yung tamang tao,'” pag alala ni Kara.
BALIKAN ANG NAGING DREAM WEDDING NINA KARA AT LM DITO: