
Humanga ang award-winning broadcast journalist na si Kara David sa It's Showtime host at Unkabogable star na si Vice Ganda sa kanyang naging speech sa graduation ceremony ng University of the Philippines College of Media and Communication.
Sa Facebook, ipinakita ni Kara ang larawan kasama si Vice at ipinarating ang paghanga rito.
"Si Vice Ganda ang commencement speaker namin kahapon sa UP CMC graduation. Na-starstruck ako nung makita ko siya. Napahanga ako nung marinig ko siya," sulat ni Kara.
"Narito ang maikling bahagi mula sa kanyang matapang na talumpati: You are expected to spark change. Change, not chaos. You're expected to share your education, not disinformation. Hindi kayo ang magsisimula ng korapsyon. Hindi kayo ang maghahasik ng kasinungalingan. Hindi kayo ang magliligaw at magmamanipula ng opinyon ng publiko," dagdag niya.
Pinasalamatan din ni Kara si Vice, "Salamat meme vice! Padayon!"
Si Kara ay chairperson ng journalism department sa University of the Philippines College of Mass Communication.
Samantala, ibinahagi rin ni Vice sa Facebook ang kanyang buong speech para sa mga nagsipagtapos, kung saan binalikan niya ang hirap ng buhay noon at ang pagsusumikap para manalo sa buhay. At kung paano niya mas naunawaan na ang kanyang saysay ay higit pa sa pagpapatawa.
"Magpapatawa at papalakpakan pero kakalampagin din ang sistema. Gaganap ng iba't ibang papel sa pelikula pero magsisilbi ring panimulang puwersa na hahamon sa nakasanayan," sabi niya.
Related content: The times Vice Ganda wowed us with her versatile fashion