
Ngayong Abril, mapapanood muli sa telebisyon ang kinagiliwan at pinag-usapang drama anthology na Karelasyon na ipinalabas noong 2015 hanggang 2017.
Kung dati ay tuwing Sabado lang ipinapalabas ang GMA Public Affairs-produced program, ngayon ay isang buong linggo na itong matutunghayan tuwing hapon simula April 5 sa GMA Afternoon Prime.
Ating balikan sa Karelasyon ang mga kwentong base sa karanasan ng mga magkarelasyong nagkaroon ng matinding hamon sa pagsasama.
Mga problema gaya ng pagkakaroon ng kabit; lihim na pagkatao; sobrang selos, ambisyon o bisyo; problema sa pamilya o katrabaho; pera o materyal na bagay.
Sa unang linggo nito, muling matutunghayan ang anim na kwentong magpapakita kung anong hirap, sakit, kontrobersya, o trahedya ang maaaring pinagdaraanan at hinaharap ng ilang kababayan natin nang dahil sa pag-ibig sa pamamagitan ng mga pagsasadulang pinagbidahan ng mga Kapuso stars, at sa panulat at direksyon ng mahuhusay na independent film writers and directors.
Ang Kapuso actress/ TV host na si Carla Abellana ang magsisilbing tagapaglahad ng mga kuwento, gaya ng istorya ng magkaibigang sina Lara (Diana Zubiri) at Sandra (Katya Santos) bilang unang handog ng Karelasyon sa pagbabalik-telebisyon nito.
Sa kwento, masusukat ang kanilang pagkakaibigan nang magkaroon si Lara ng llihim na pagkagusto at relasyon sa anak ni Sandra na si Miko (Hiro Peralta).
Pagdating sa pag-ibig, age doesn't matter. Pero paano kung ang natipuhan mong tao ay type na type ka rin at parang anak mo na? Ang mas matindi pa nito, anak pa ito ng matalik mong kaibigan. Maging mailap kaya ang kapatawaran sa pagitan nina Lara at Sandra?
Abangan ang istoryang 'yan at ang aral na mapupulot mula sa mapait, makulay, at kakaibang kuwento ng mga mag-Karelasyon!
Mapapanood na 'yan simula April 5, Lunes hanggang Sabado, pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA-7.