Hindi lang kapatid kundi best friend ang turing ni Kleng (Arra San Agustin) sa kanyang kuyang si Bryan (IC Mendoza).
Gagawin niya ang lahat ma-protektahan lang ito at masiguradong walang sino man ang maaring kumutya rito. Ito ay dahil naging saksi si Kleng sa hirap na pinagdaanan ni Bryan sa kanilang pamilya simula nang umamin ito sa kanyang pagiging bading. Kaya naman pati ang kanyang magiging partner, sinisigurado niyang matatanggap din ng buong-buo ang kanyang out and proud na kuya.
Pero sadya yatang mapagbiro ang tadhana dahil ang kanyang masugid na manliligaw na si Martin (Andre Paras) ay tila galit sa mga bading! Dahil dito, matutuon ang kanyang atensyon sa isa pa niyang manliligaw na si Lee (Arvic Tan) na pinaghihinalaan namang…bading!
Sino kaya ang pipiliin ni Kleng, ang lalaking ayaw sa mga katulad ni Bryan o ang manliligaw niyang posibleng kagaya pala ng kanyang Kuya?
Ito ang nakatutuwang kuwentong tampok ngayong Sabado sa Karelasyon, pagbibidahan nina Andre Paras at Arra San Agustin, kasama sina Arvic Tan, IC Mendoza, Divine, Arjay Jimenez, Marika Sasaki at Andrew Gan. Mula sa panulat at direksyon ni Paul Sta. Ana.
Mapapanood ang Karelasyon tuwing Sabado kasama si Ms. Carla Abellana pagkatapos ng Case Solved.