
Minsan nang nasira ang relasyon ng magkapatid na sina Ester at Norma nang pagagawan nila ang puso ng iisang lalaki. Ngunit sa kanilang pagtanda, ganap na nilang napatawad ang isa’t-isa sa pangyayaring matagal na rin nilang binaon sa limot.
Ngunit ang tahimik na buhay nila ngayon, muling magugulo sa pagdating ni Marlon, isang misteryosong binatang labis ang pagkakahawig sa lalaking pareho nilang inibig noon.
Sa unang tingin pa lang, agad nang binuhay ni Marlon ang tila natutulog nang puso ng mga matandang dalaga. Ngunit kasabay nito ang pagbabalik sa kanilang alaala ng nakaraan at ang tila pananariwa ng sugat na inabot ng maraming taon bago naghilom.
Sa pagkakataong ito, isa na nga kaya kina Ester at Norma ang magkakaron ng pag-asang muling magmahal? Pero ano kaya ang totoong pakay ni Marlon sa kanilang dalawa?
Ito ang natatanging kuwentong sunod na handog ng Karelasyon, tampok ang dalawa sa mga pinakamagagaling na aktres sa pelikula at telebisyon na sina Gina Alajar at Dina Bonnevie. Kasama sina Martin del Rosario, Elyson de Dios, Faith da Silva at Beatriz Imperial, mula sa panulat at direksyon ni Adolf Alix Jr.
Tunghayan ang kwentong ito kasama si Ms. Carla Abellana ngayong Sabado ng hapon sa GMA, pagkatapos ng Ika-6 Na Utos.