
Malungkot na ibinalita ni Karen Delos Reyes sa Instagram ang pagpanaw ng aktor na si Rudy Francisco, ang gumanap bilang kaniyang lolo sa classic McDonald's TV commercial. Yumao ito sa edad na 96.
Nakilala si Karen sa naturang TV ad, na napanood noong early 2000s. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagluluksa, base sa kaniyang post.
Naki-simpatiya rin siya sa naiwang pamilya ni Lolo Rudy.
"Sad day today [sad emoji]
"Rest in peace, Lolo Rudy Francisco.
"My deepest condolences to you and your family, @rsfrancisco888," sulat pa ng aktres.
Hindi alam ng nakararami, naging matinee idol ng Sampaguita Pictures si Rudy sa loob ng anim na taon mula 1950 hanggang 1956.
Nilisan niya ang showbiz para pagtuunan ang kaniyang propesyon na abogasya.
Sa katunayan, naging in-house legal counsel pa siya ng Sampaguita Pictures, ayon sa kaniyang anak na si RS Francisco.
Napanood si Rudy sa 16 na pelikula kung saan nakasama niya ang ilang beteranong aktor gaya nina Gloria Romero, Eddie Garcia, at Lolita Rodriguez.